‘Sementeryo’ (Part 6)
PAGKATAPOS naming kumain ay nanood kami ng TV. Patuloy pa rin ang malakas na ulan. Habang nanonood ay hindi sa palabas ang atensiyon ko kundi sa kung saang parte ng musuleo ako matutulog. Nakaagaw din ng pag-aalala ko ang sasabihin ng aking tiyahin bukas dahil sa hindi ko pag-uwi. Hindi pa uso ang cell phone noon kaya walang paraan para ko siya matawagan at sabihing nasa bahay ako ng classmate ko—inabutan ng baha.
Nang magsawa kami sa panonood ng TV dakong alas nuwebe ng gabi ay nagyaya nang matulog si Ruben. Ang kanyang tatay at nanay ay natutulog na at ganundin ang kanyang kapatid. Malapit sa may pintuan ng musuleo natutulog ang tatay at nanay ni Ruben. Sa dakong kaliwa ng mag-asawa nakapuwesto ang kapatid ni Ruben. May sapin silang makapal na kutson.
“Maglalatag na ako, Jim.’’
“Saan tayo matutulog?’’
“Dito sa tabi ng nitso.’’
Napalunok ako. Pero hindi ako nagpahalata na natatakot.
Inilatag ni Ruben ang isang malapad na karton. At saka ipinatong ang makapal na kutson. Saka sinapinan ng puting kumot. Puti rin ang unan.
“Higa na, Jim. Diyan ka sa may nitso at dito ako.’’
Napatango ako.
Sa labas ay malakas pa rin ang ulan. (Itutuloy)
- Latest