‘Salamin’ (Part 3)
NAKAHARAP ang salamin sa hanay ng mga cubicle kaya makikita sa repleksiyon kung may iba pang tao sa CR.
At hindi ako maaaring magkamali sapagkat nakita ko na may taong nakasuot ng puti at nasa cubicle.
Pero dahil hindi naman ako matatakutin, ipinagpatuloy ko ang pagpapahid ng lipstick sa aking mga labi. At isa pa, maaaring may tao nga sa cubicle na inabot ng “emergency”. Hindi lang naman kami ang nag-iisang departamento sa second floor kundi may dalawa pa—accounting at library departments.
Kaya posibleng tao nga ang nakita ko sa salamin.
Tinapos ko ang paglilipstick at akma na akong aalis nang matukso uli akong tumingin sa salamin para tingnan ang “tao” sa cubicle.
Wala nang tao roon!
Wala na ang nakasuot ng puti!
Hindi pa rin ako natakot. Hindi naman talaga ako matatakutin.
Pero nang nasa ground floor na ako at makita ang guard na malapit sa lalagyan ng time card, tinanong ko ito kung may iba pang tao sa second floor.
“Wala na Mam. Bakit po?”
“Wala. Naitanong ko lang. Thanks.’’
Habang nasa dyipni, iniisip ko ang nakita sa salamin na repleksiyon ng taong nakasuot ng puti. (Itutuloy)
- Latest