Babae sa Nigeria, naggantsilyo nang walang tigil sa loob ng tatlong araw!
ISANG 30-anyos na babae sa Lagos, Nigeria ang nakapagtala ng world record matapos siyang maggantsilyo ng gown sa loob ng tatlong araw!
Kinumpirma ng records keeping organization na Guinness World Records na si Chidinma Modupe Okafor ang pinakabagong record holder ng titulong “Longest Crocheting Marathon” matapos itong makapagsagawa ng “crochet-a-thon” na tumagal ng 72 oras o tatlong araw.
Natalo ni Okafor ang previous record ni Alessandra Hayden ng U.S. na mayroon lamang 34 na oras.
Ayon kay Okafor, bata pa lamang ay mahilig na siyang maggantsilyo. Para paghandaan ang world record attempt, ilang buwan niyang kinondisyon ang kanyang katawan at pag-iisip. Upang hindi makasama sa kalusugan ni Okafor ang marathon, may pahintulot mula sa Guinness na magpahinga ito ng limang minuto sa bawat isang oras.
Ang unang balak ni Okafor ay maggantsilyo ng wedding gown ngunit nang matantiya niya na hindi niya kakayaning makabuo ng damit pangkasal sa loob ng tatlong araw, nagpasya siya na isang evening gown ang kanyang gawin.
- Latest