EDITORYAL - Mga bagong bayani
ISANG sundalong Pilipino ang naputulan ng hinlalaki makaraang banggain ng China Coast Guard ang sinasakyang rubber boat habang naghahatid ng supply sa BRP Sierra Madre noong nakaraang Miyerkules. Ang sundalo ay nakilalang si Seaman First Class Jeffrey Facundo. Si Facundo at 80 iba pang sundalo ay pinagkalooban ni President Marcos Jr. ng Order of Lapu-Lapu nang bumisita sa Western Command Headquarters sa Puerto Princesa City, Palawan.
Nakipagbuno sina Facundo sa mga miyembro ng China Coast Guard na gumitgit sa kanila habang nagsasagawa ng resupply mission sa Ayungin Shoal. Dalawang barko ng CCG ang umipit sa resupply boat ng Pilipinas. Armado ng itak, maso at tear gas ang mga miyembro ng CCG. Binutas ng mga ito ang rubber boat ng mga sundalong Pinoy. Ninakaw ang bag, mga baril at iba pang mga gamit. Maraming nabasag na equipment sa sasakyan ng mga Pilipino. Subalit hindi nagpatinag ang mga sundalong Pinoy at manu-manong lumaban sa mga miyembro ng CCG. Hanggang maputulan ng hinlalaki si Facundo nang maipit makaraang banggain ng CCG vessel ang sinasakyan nilang resupply boat.
Pero sa kabila na may Pilipinong naputulan ng hinlalaki, hindi pa rin daw maituturing na “armed attack” ang ginawa ng China. Sabi ni Executive Secretary Lucas Bersamin at chairman ng National Maritime Council, hindi raw armed attack ang ginawa ng CCG sa mga Pilipinong sundalo. Ayon kay Bersamin, maaring hindi lamang nagkaintindihan o aksidente ang nangyari sa magkabilang panig.
Hindi naman maitago na nagpupuyos ang kalooban ni Armed Forces of the Philippines (AFP) chief of Staff General Romeo Brawner Jr., sa nangyari lalo pa’t isang sundalo ang naputulan ng hinlalaki. Una nang pinarangalan ni Brawner si Facundo at sinabing pagbabayarin ang CCG sa ginawang pagnanakaw sa mga baril at pagsira sa kagamitan ng mga sundalong Pilipino habang kinukuyog ang mga ito. Ayon kay Brawner, pitong Carbine AR19 ang ninakaw ng CCG at sinira rin ng mga ito ang equipment at makina ng rubber boat. Tinawag pa ni Brawner na mga pirata ang CCG. Magpapatuloy pa rin umano ang resupply mission sa kabila ng mga panggigipit ng China.
Nararapat suportahan ang mga sundalong nagbabantay sa West Philippine Sea. Sila ang mga tunay na bayani. Ang pagkilala sa kanila ay magpapalakas ng kanilang loob para lalo pang lumaban at ipagtanggol ang teritoryo laban sa umaangking Tsino.
- Latest