101-anyos na lola, pinakamatandang pharmacist sa buong mundo!
ISANG lola sa Japan ang nakapagtala ng world record dahil siya ang pinakamatandang pharmacist sa buong mundo!
Kinumpirma ng records keeping organization na Guinness World Records na si Kesa Hatamoto ng Tokyo ang pinakabagong may hawak ng titulong “Oldest Pharmacist (female)” dahil sa edad na 101.
Noong bata pa si Kesa, pangarap niyang maging teacher pero kinumbinsi siya ng kanyang ama na maging pharmacist at agad naman niyang sinunod ang kagustuhan nito.
Pagkatapos niya sa kolehiyo ay nagtrabaho siya sa isang pharmaceutical laboratory ngunit natigil siya sa pagtatrabaho nang siya ay mag-asawa at magkaroon ng anak. Taong 1954 nang mapagpasyahan niya at ng kanyang mister na magtayo sila ng sarili nilang drug store upang magkaroon sila ng dagdag na pagkakakitaan.
Hindi nahirapan magkaroon ng customer ang kanilang business dahil sila lang ang may drug store sa kanilang lugar. Bukod sa gamot, nagtitinda rin sila ng mga general merchandise dito.
Sa kasalukuyan, maraming nag-aakala na managerial position na lang ang ginagawa ni Kesa sa kanilang drug store. Kaya maraming nagugulat kapag nalalaman na sa edad nitong 101, siya pa rin ang nakatoka sa halos lahat ng trabaho dito tulad ng stocking, ordering, at dispatching.
Sobrang proud si Kesa sa kanyang Guinness title. Agad niyang idinisplay ito sa kanilang drug store at umaasa siya na mapapanatili niya ang titulong ito sa matagal na panahon.
- Latest