^

Punto Mo

Peligro sa tattoo: Kanser sa dugo?

(AGHAM AT TEKNOLOHIYA) PANDAYAN - Ramon Bernardo - Pang-masa

Napaulat kamakailan sa Newsweek at sa iba pang media outlet ang isang pag-aaral na lumabas sa journal na eClinicalMedicine at nagpapahiwatig na maaaring magdulot ng kanser ang tattoo na kinahihiligan nang maraming tao na ilagay sa kanilang mga katawan.

Dahil dito, idiniin ng mga scientist na sangkot sa naturang pag-aaral na kailangan ang marami pang pananaliksik sa ­epekto ng mga tattoo sa kalusugan ng tao makaraang lumabas sa bagong pananaliksik na lumalaki ang tsansa rito na magkaroon ng sakit na lymphoma cancer ang mga nagpapa-tattoo sa katawan.

Ayon kay Christel Nielsen na namumuno sa pag-aaral na ginawa ng mga researcher sa Lund University sa Sweden, 21 porsiyento na mas mataas ang tsansang ng mga nagpapa-tattoo sa katawan ay magkaroon ng lymphoma na isang tipo ng kanser sa dugo na nagsisimula sa mga white blood cell. Gayunman, isa pa anyang misteryo ang mga pagkakaugnayang ito pero maa­aring meron itong kinalaman sa reaksiyon ng katawan sa tinta ng tattoo.

Sinabi pa ni Nielsen na, kapag nailagay ang tattoo ink sa balat, ipinapalagay ng katawan na isa itong banyaga na hindi dapat naroroon at isinabuhay ang immune system. Malaking bahagi ng tinta ang nalilipat mula sa balat hanggang sa maideposito sa lymph nodes.

Dahil dito, inasahan ng mga researcher na mas namemeligro sa lymphoma ang mga merong mas malalaking tattoo kaysa ng sa maliliit dahil mas maraming tinta ang kailangang tugunan ng katawan. Maaari aniyang ang tattoo, kahit ano ang sukat, ay nakakapagpaandar ng low-grade inflammation sa katawan na makakapagdulot ng kanser.

Idiniin niya na ang resulta ng naturang pag-aaral ay “purely associative” at kailangan ang marami pang pananaliksik para maberipika at mapatunayan na lumalaki ang panganib sa lymphoma sa tattoo ink. Balak din ng mga researcher na alamin kung ang tattoo ay nagdudulot din ng iba pang klase ng kanser at inflammatory diseases.

Ayon naman sa isang artikulo sa Healthline, maaaring may mga peligro sa ilang sangkap ng tinta na ginagamit sa tattoo. May mga sangkap ang ilang tinta na maituturing na carcinogenic o maaaring magdulot ng kanser. Halimbawa ang red ink at mga pigment na alcohol, barium, cadmium, copper, lead, mercury, minerals, nickel, plastics at vegetable dyes. Pero mahalagang tanungin ang tattoo artist sa ginagamit niyang tinta at tiyakin na lisensiyado siya. At idiniin din sa Healthline na wala pang direktang pruweba na nagdudulot ng kanser ang tattoo ink.

Bukod dito, meron ding ibang mga peligro na mas maaaring mangyari kung hindi lisensiyado ang tattoo artist na lalapitan at hindi sumusunod na mga kaukulang panuntunan dito. Halimbawa rito ang allergic reactions, skin infections at keloid scarring.

Noong 2022, ayon sa isang ulat ng Independent (UK), iprinisinta ng mga researcher na pinamumunuan ni John Swierk ng Binghamton University sa Americal Chemical Society sa Chicago, Illinois ang resulta ng isang pananaliksik na 50 porsiyento ng mga tattoo ink ay nagtataglay ng mga kemikal na maaaring  makapagdulot ng kanser.

Sa isang lumang ulat ng Medscape Medical News, sinabi ni Hiram Castillo-Michel, PhD, ng European Synchroton Radiation Facility sa Grenoble, France na, kumpara sa skin infections na karaniwang side effect ng tattoo, mas higit na kumplikadong  matunton ang mga chronic health effect nito tulad ng kanser dahil napakatagal na inaabot nang maraming taon o dekada bago lumitaw pagkaraan ng exposure at napakahirap iugnay ito sa tattoo o mga sangkap ng tattoo.

••••••••

Email: [email protected]

MEDICINE

Philstar
  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with