‘Relo’ (Unang bahagi)
MAY matindi akong pagkagusto sa mga relo. Ito yata ang tinatawag na oniomania. Kahit may bago akong relo, at nakakita ng bago ay gusto ko uli na bumili. Hindi ko maipaliwanag ang aking nadarama kapag nakakita ng bagong relo. Sa katunayan, marami na akong naipon na relo at nakatago lang sa isang pinasadya kong glass case.
Ang isang maganda sa akin, kahit na may obsession ako sa relo, hindi ako yung bibilhin ko kahit mahal gaya nang mga branded na Rado o Omega na mga Swiss watches. Okey na sa akin kahit mumurahing relo basta masunod ko lang ang aking pagkagusto sa relo.
Lalo na akong naging addict sa relo nang magtrabaho ako sa Saudi Arabia. Palibahasa ay malaki ang aking suweldo dahil communications engineer ako, wala akong patawad sa pagbili ng relo. Tuwing payday ay bumibili ako ng relo. Talagang sinusunod ko ang hilig ng aking katawan ukol sa relo.
Kapag araw ng suweldo, makikita na ako sa tindahan ng relo sa Al-Batha at bumibili. Napapansin na ako ng aking mga kasamahan sa madalas na pagbili ng relo. Kaysa raw relo ay alahas o ginto na ang bilhin ko. Pero hindi ko na sila sinasagot. Palagay ko naiinggit lang sila sa akin.
Hanggang sa mangyari ang hindi ko malilimutang karanasan.
(Itutuloy bukas)
- Latest