‘Pusa’
NANGYARI ang hindi ko malilimutang karanasan noong 2021, panahon ng pandemic. Sa loob ng aming subdibisyon ay maraming pusang gala. Maraming pusa ang nagtatangkang pumasok sa aming gate pero dahil hindi ako mahilig sa pusa, itinataboy ko ang mga pumapasok at maski na ang mga umaakyat sa aming bubong. Ayaw na ayaw ko kasing makaamoy ng ihi at tae ng pusa. Bumabaliktad ang sikmura ko. Kaya sinisiguro ko na walang makakapasok sa aming bakuran. Pero may isang itim na pusa na talagang nagpupumilit pumasok kaya pinapalo ko ng walis. Sabi ng mama ko, maawa naman daw ako sa pusa. Pero umismid lang ako.
Ako lang ang kasama sa bahay nina mama at papa dahil ang isa kong kapatid na lalaki ay nasa Australia. Sabi ni Mama ay huwag muna akong mag-aasawa para may makasama sila. Pero huwag naman daw akong tatandang dalaga.
Isang araw, nagtungo sa probinsiya sina mama at papa at inasikaso ang minanang lupa. Pero biglang nag-lockdown dahil sa pagdami ng COVID. Hindi makaluwas sina Mama dahil sa higpit. Nag-alala si Mama dahil nag-iisa ako. Sabi ko huwag siyang mag-alala dahil kaya ko namang mag-isa. I-lock ko raw mabuti ang pinto.
Gabi. Nagising ako na parang may naglalakad sa bubong. Hanggang sa nawala. Nakiramdam ako. Sumilip ako sa bintana. Nakita ko ang isang lalaki na nilalagari ang iron grill sa bintana. Magnanakaw! Hindi ko malaman ang gagawin. Hindi ako makasigaw sa takot. Nakita ko na ipinapasok na ng lalaki ang ulo sa bahagi ng bintana niya. Papasok na ang magnanakaw!
Pinilit kong sumigaw! Malakas. At nakita ko na may biglang may tumalon sa bubong na isang itim na bagay. Lumagabog at lumikha ng ingay. Ang itim na pusa!
Dahil sa ingay na ginawa ng pusa, nataranta ang magnanakaw at muling lumabas sa ginawang butas sa bintana.
Nagsisigaw na ako. Magnanakaw! Magnanakaw! Nagising ang mga kapitbahay sa lakas ng sigaw ko. Hinabol nila ang magnanakaw at nahuli at binugbog.
Hindi pa rin ako makapaniwala sa nangyari. Kung hindi sa pusa, baka may nangyari sa akin—baka na-rape ako. Mula nun, naging mabait na ako sa pusa.
- Latest