EDITORYAL - LTO, kailan kikilos sa perwisyong e-bikes?
DAMING naglipanang electric bikes (e-bikes) sa kalye ngayon at naging inutil ang Land Transportation Office (LTO) kung paano kokontrolin dahil nagdudulot ng panganib sa iba pang legal na motorista. Ang e-bike ay hindi rehistrado kaya masasabing illegal ang pagyaot sa mga pangunahing kalye. Noong Nobyembre 2023, sinabi ng LTO na mayroon na silang proposal para sa mandatory registration ng e-bikes. Kapag hindi rehistrado hindi puwedeng yumaot sa public roads.
Pero dalawang buwan na ang nakararaan mula nang ipahayag ito ng LTO, wala pang nakikitang pagrerehistro sa e-bikes at ang resulta, nagsulputang parang langgam sa kalye.
Dahil walang pagkilos ang LTO, ginagawa nang panghanapbuhay ang e-bikes. Ginagamit nang service para sa mga estudyante at pinanghahakot ng mga paninda gaya ng gulay, prutas, bigas, at kung anu-ano pa. At ang pinakadelikado, may mga menor-de-edad na nakapagmamaneho ng e-bikes at ang iba ay dinadala pa sa school. May pagkakataon na dinadala pa ang e-bike sa mall at dun ipina-park.
Ang resulta, nakadagdag pa ngayon sa bigat ng trapiko ang mga e-bike na tila wala namang pakialam kung nakakaperwisyo sila sa iba pang legal na motorista. Marami sa e-bike ang nasa gitna ng kalsada at walang pakialam na liliko kung kailan niya gusto. Walang signal-signal. Tinatagurian na ang mga perwisyong e-bike na “hari ng kalsada”.
Nakapagtataka kung bakit hindi pa umaaksiyon ang LTO sa mga naglipanang e-bike. Bakit kailangang magtagal pa bago ipatupad ang pag-ban sa mga e-bike na hindi lamang nakadaragdag sa trapik kundi nagdudulot din ng panganib sa iba pang motorista. Hihintayin pa bang marami ang mapahamak bago ipagbawal sa public roads ang e-bikes.
Sa report ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB), naitala ang 556 na aksidente ng e-bikes. Maraming nababangga dahil sa kawalan ng kaalaman at disiplina sa kalsada. Kamakailan, isang motorista ang gumamit ng Skyway habang nakasakay sa e-bike. Hinuli siya ng mga awtoridad at pinagmulta.
Pinakamataas ang kaso ng e-bike accidents sa Metro Manila na umabot ng 281 at may dalawang namatay. Karamihan umano sa mga sangkot sa aksidente ay babae at ang iba ay menor-de-edad na walang kamuwang-muwang sa batas trapiko.
Kailan kikilos ang LTO? Kapag marami nang namatay dahil sa e-bikes?
- Latest