Lemon na 285-taon ang tanda naibenta sa malaking halaga!
ISANG nanigas at tuyot na lemon fruit na nagmula pa noong taong 1739 ang naibenta sa isang auction sa halagang 1,400 British pounds (katumbas ng P98,000!).
Ayon sa Brettells Auctioneers, ang lemon ay nagmula sa isang pamilya na ipina-appraise ang kanilang 19th century cabinet na pamana ng kanilang yumaong uncle.
Ang cabinet ay napag-alaman na nagmula pa sa colonial India at dinala sa England bilang regalo.
Habang kinukuhanan ng litrato ang cabinet, napansin ng photographer na may nagpapagulong-gulong sa loob ng drawer nito. Sa una, inakala ng photographer na isa itong bola pero nang pagmasdan niya itong mabuti, isa pala itong lemon.
Hindi na kinailangang magsiyasat ng mga auctioneer kung ilang taon na ang lemon dahil may naka-engrave na mensahe dito na: “Given By Mr P Lu Franchini Nov 4 1739 to Miss E Baxter.”
Bilang katuwaan, naisipan ng mga auctioneer na ipasubasta rin ang lemon. Umaasa sila na maibebenta nila ito ng 60 British pounds.
Pagsapit ng araw ng auction, nagulat ang mga taga-Brettells Auctioneers na mas maraming interesado sa lemon kaysa sa cabinet. Pagkatapos ng subastahan, naibenta sa halagang 1,400 British pounds samantalang ang cabinet ay naibenta lamang ng 32 British pounds.
- Latest