EDITORYAL - Daming Pinoys, walang malinis na tubig at kubeta
SABI ng isang opisyal ng Department of Environment and Natural Resources (DENR), 40 milyong Pilipinos ang walang malinis na inuming tubig. Ito ang dahilan kaya maraming nagkakasakit. Bukod sa walang malinis na tubig, wala ring toilet o kubeta ang nakararaming mamamayan kaya kumakalat ang sakit.
Ayon kay DENR Undersecretary Carlos David, nangangailangan ang pamahalaan ng P250 bilyon para mabigyan ng malinis na tubig at pati kubeta ang mga Pilipino na ang karamihan ay nasa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM). Bukod sa BARMM, marami rin ang walang access sa malinis na tubig sa Bicol Region, Central Visayas, Zamboanga Peninsula, Agusan del Sur at Samar.
Ang kawalan ng malinis na inuming tubig ang dahilan ng pagkakasakit ng diarrhea at cholera. Mayroong umiigib sa balon at sapa na kontaminado ng dumi ng tao at hayop.
Ayon kay David, ang pondo para sa pagbibigay ng malinis na tubig sa mga barangay ay nararapat manggaling sa national government. Kung hindi makakaya ng municipal government ang pagkakaloob ng malinis na tubig sa kanilang nasasakupan, dapat ang national government na ang kumilos para rito.
Ang kawalan ng kubeta ay isa sa mga problema nang nakararaming Pilipinos. Dumudumi sila sa kung saan-saan lang. Kapag ang inuming tubig ay nakontamina ng dumi ng tao, iba’t ibang sakit ang dadapo at mapanganib sa buhay.
Sa report ng United Nations Children’s Fund (Unicef) noong nakaraang taon, 6.3 milyong bahay sa Pilipinas ang walang kubeta. Karaniwang dumurumi sa ilalim ng puno, sagingan at sa pampang ng sapa at ilog. Ang mga informal settlers, deretso sa estero ang kanilang dumi.
Ayon sa Unicef 2021 Field Health Services Information System Report, ang Iloilo ang nangunguna sa sinasabing Zero Open Defecation (ZOD) na ang ibig sabihin, hindi nagpapraktis nang pagdumi sa kung saan-saan lang.
Ayon sa Unicef, mayroong malinis na kubeta ang mga taga-Iloilo sa kani-kanilang tahanan. Nakita rin ang pagsisikap ng Iloilo na mabigyan nang malinis na kubeta ang mga estudyante sa bawat pampublikong paaralan.
Mahalaga ang pagkakaroon ng malinis na inuming tubig at kubeta sa bawat bahay. Maiiwasan ang pagkalat ng mga sakit. Ito ang dapat maging prayoridad ng pamahalaan—pagkalooban ng malinis na tubig at hikayatin na magkaroon ng sariling kubeta sa bahay ang bawat pamilya. Hindi dapat isantabi ang problemang ito at dapat masolusyunan.
- Latest