Editoryal — Bawal maglimos
Habang papalapit ang kapaskuhan, parami nang parami ang mga nagpapalimos sa kalye. Karamihan sa kanila ay mga Badjao na nag-uunahan sa pagsampa sa dyipni at nag-aabot ng nanggigitatang sobre sa mga pasahero. Karaniwang mga batang lalaki at babae ang mga sumasampa sa dyipni. Mayroong nagtatambol habang pinamudmod ng kasamang bata ang mga sobre. Ipapatong ito sa kandungan ng mga pasahero. May mga pasaherong nagsisilid ng barya sa sobre at meron ding dinidedma ang nakapatong na sobre. Pagkatapos kolektahin ng bata ang mga sobre ay bababa na ito at lilipat sa iba pang dyipni.
Habang abala ang mga bata sa pagsampa sa dyipni para mamalimos, may mga babae naman o mga ina na karga ang kanilang sanggol at namamalimos sa mga nakatigil na sasakyan sa trapik. Hindi lamang mga babae o ina, mayroon ding mga lalaki o ama na may karga ring sanggol at namamalimos.
May mga pulubi ring naka-wheelchair, nakasaklay at may iika-ika sa paglalakad ang namamalimos sa kalye. Pagtigil ng mga sasakyan sa stop light, lalapit na ang mga namamalimos at kakatukin ang bintana ng mga sasakyan.
Pati mga Aeta ay nagdadagsaan din sa Metro Manila sa panahon ng kapaskuhan para magpalimos. Pami-pamilya sila at makikita sa center island ng mga pangunahing lansangan o sa ilalim ng LRT at MRT.
Dapat bang maglimos sa mga pulubi? Ito ang matagal nang tanong ng mamamayan na hanggang ngayon ay nagdudulot ng pagkalito sa kanila. Sabi ng Department of Social Welfare and Developmant (DSWD), huwag maglimos sa mga pulubi o mga palaboy sa kalye. Mayroon na umano silang programa para sa mga pulubi at mga palaboy. Nakipag-ugnayan na umano ang DSWD sa Commission on Human Rights para katulungin sa inilunsad nilang “Oplan Pag-abot”.
Sa ilalim ng programa, pagtutulungan nilang ibalik sa probinsiya ang mga street dwellers at imumungkahing maisama ang mga ito sa Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) at iba pang programa ng pamahalaan. Tutulungan ang mga ito ng social workers na maisaayos ang buhay sa pagbabalik nila sa probinsiya.
Hinihimok ng DSWD ang mamamayan na huwag limusan ang mga pulubi sapagkat labag ito sa batas. Maaaring makasuhan ang maglilimos sa ilalim ng Presidential Decree 1563 o Mendicancy Law na may kaparusahang apat na taong pagkakakulong at P1,000 multa.
Isakatuparan ng DSWD ang plano para sa mga pulubi at palaboy para ganap nang mawala ang mga ito sa mga kalye ng Metro Manila. Kung hindi ito maisasagawa at pawang “bulaklak” lang ng dila, patuloy na dadami ang mga magpapalimos sa lansangan. Imbestigahan din ng DSWD kung ginagamit ng sindikato ang mga pulubi.
- Latest