EDITORYAL — E-sabong bawal na

LUBUSAN nang pinagtibay ng House of Representatives ang House Bill 11254 na nagbabawal sa operasyon ng e-sabong sa buong bansa. Inaprubahan na ang panukalang batas sa huling pagbasa at hihintayin na lamang ang paglagda ng Presidente para maging ganap na batas. Sa ilalim ng panukala, 20 taong pagkabilanggo at pagmumultahin ng P500,000 depende sa desisyon ng korte ang sinumang lalabag. Nakasaad din na ang lahat ng permits at lisensiya na inisyu sa e-sabong operators ng Philippine Amusement and Gaming Corporation ay idedeklarang walang bisa. Wala ring iisyung permit sa e-sabong operations.
Kasabay sa pag-aapruba sa pagbabawal ng e-sabong, inaprubahan din ang ang HB 11253 na nagbabawal sa pagtatatag at operasyon ng mga sabungan sa layong 500 metro sa residential, commercial area, schools, simbahan at hospital.
Noong Disyembre 2022, inisyu ni President Ferdinand Marcos Jr. ang Executive Order No. 9 na nagpapatuloy sa suspension ng e-sabong. Sakop ng EO ang suspensyon sa live streaming o broadcasting ng live cockfights sa labas ng cockfighting arenas na pinagdarausan ng sabong. Bawal din ang online/remote, o off-cockpit wagering/betting sa live cockfighting matches.
Inatasan ni Marcos ang PAGCOR na makipag-coordinate sa local government units at iba pang ahensiya ng gobyerno para sa pagpapatupad ng EO No. 9. Binigyan din niya ng direktiba ang Department of the Interior and Local Government (DILG) at Philippine National Police (PNP) na ipatupad ang kautusan at dakpin ang lalabag. Dati nang sinuspende ni ex-President Duterte ang e-sabong noong Mayo 2022. At kahit suspendido, marami pa ring nag-ooperate.
Sinuspende ang e-sabong dahil sa masamang dulot sa buhay ng mga Pilipino kung saan marami ang gumagawa nang masama para matustusan ang bisyo. Dahil sa pagkalulong dito, may ina na ibinenta ang kanyang sanggol para lamang may maitaya sa e-sabong. Isang pulis ang nagnakaw sa isang hardware store para mabayaran ang pagkakautang sa e-sabong. Maraming OFWs ang nabaon sa utang dahil sa e-sabong.
Ngayong bawal na ang e-sabong, marami na ang matatahimik ang kalooban sapagkat wala nang kahuhumalingang e-sabong na mistulang peste sa buhay. Maski mga kabataan ay nahuhumaling sa bisyong ito. Ipursigi rin naman sana ng Philippine National Police (PNP) ang paglutas sa 30 nawawalang sabungeros. Dinukot ang mga sabungeros at hanggang ngayon, hindi pa nakikita. Apat na taon na silang nawawala. Hustisya ang hiling ng kanilang kaanak.
- Latest

















