^

Punto Mo

EDITORYAL - Imahe ng PNP lalong dumumi

Pang-masa
EDITORYAL - Imahe ng PNP lalong dumumi

Nang maupo sa puwesto si Philippine National Police (PNP) chief Gen. Benjamin Acorda Jr. noong Abril 24, 2023, ipinangako niya ang internal cleansing sa pamumunuang organisasyon. Ito aniya ay para mabalik ang tiwala ng mamamayan. Masakit mang aminin, dinatnan ni Acorda na batbat ng dumi ang PNP. Eksakto sa pag-upo niya ay iniimbestigahan ang mga pulis na sangkot sa cover up ng nakumpiskang 1 toneladang shabu na nagkakahalaga ng P6.7 bilyon. Maraming pulis ang sinibak.

Dumating si Acorda na marusing ang PNP at magreretiro siya sa Disyembre 3, 2023 na mas marumi pa. Wala na siyang magagawang pagbabago sapagkat mahigit isang buwan na lang ang ilalagi niya bilang pinuno ng 228,000 pulis sa buong bansa.

Sa termino ni Acorda lumutang ang mga pulis na walang habas mamaril na kahit tinedyer na walang kalaban-laban ay pinaulanan ng bala gaya ng nangyari kay Jemboy Baltazar ng Malabon noong Agosto. Napagkamalan lang si Baltazar pero pinagbabaril ng mga pulis Navotas at hinayaang malunod nang bumagsak sa tubig.

Isa pang tinedyer ang binaril ng pulis sa Rodriguez, Rizal noong Agosto 20. Hinabol ng pulis ang kapatid ni John Francis Ompad na si John Ace, dahil hindi raw huminto sa checkpoint ang minamanehong motorsiklo. Nang masundan sa bahay, pinagbabaril ng pulis si John Ace pero si John Francis ang tinamaan na noon ay lumalabas sa gate.

Pitong pulis naman na nag-raid sa bahay ng isang propesor sa Imus, Cavite ang sinibak sa puwesto dahil sa pagnanakaw. Nilimas ng mga pulis ang mga mahahalagang bagay sa bahay at saka tumakas. Sangkot umano sa droga ang propesor kaya ni-raid ang bahay. Sinibak din ang hepe ng mga pulis.

Noong isang araw, 44 na pulis sa Southern Police District (SPD) ang sinibak dahil sa nawawalang P27 milyon na laman ng vault sa sinalakay na condominium sa Parañaque City noong Setyembre 16. Ang sina­lakay ng mga pulis ay ang Parksuites Condominium na umano’y may mga itinatagong baril doon at pugad ng human trafficking. May search warrants ang mga pulis kaya malayang nakapaghalughog. Naaresto sa condo unit ang 11 Chinese at 1 Pinoy at na-rescue ang ilang Chinese. Nakuha rin ng mga pulis ang P4.6 milyon. Ganunman, sinabi ng NCRPO na may iregularidad sa pagsisilbi ng search warrant at nagreklamo rin ang mga inarestong Chinese na nawawala sa vault ang P27 milyon. Sinibak din ang hepe ng SPD sa utos ng National Capital Region Police Office.

Patuloy pang nagiging marumi ang PNP dahil sa kagagawan ng mga miyembro. Sa kabila na mataas na ang suweldo, patuloy pa ring gumagawa ng labag. Walang kahihiyan. Malaking hamon sa papalit kay Acorda ang bagsak na imahe ng PNP.

ACORDA

Philstar
  • Latest
Latest
Latest
abtest
Recommended
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with