^

Punto Mo

EDITORYAL - Bitay sa masasangkot sa frat hazing

Pang-masa
EDITORYAL - Bitay sa masasangkot sa frat hazing

MAY nadagdag na naman sa listahan ng mga napatay sa hazing ng fraternity. Taun-taon ay may namamatay na neophyte at sa kabila nito, patuloy pa rin ang hindi makataong pagpapahirap na anila’y bahagi ng kapatiran. Kailangan daw pagdaanan din ng bagong miyembro ang dinanas nila—salin-salin ang tradisyon nang pagpapahirap na kadalasang pagpalo sa puwit, hita at binti sa pamamagitan ng paddle ang ginagawa sa miyembro.

Ang bagong nadagdag sa listahan ng mga namatay sa hazing ay si Ahldryn Bravante, 25, fourth year student ng Philippine College of Criminology (PCCr) sa Maynila at miyembro ng Tau Gamma Phi. Namatay si Bravante noong Lunes ng gabi nang isailalim sa hazing ng 20 miyembro ng Tau Gamma na isinagawa sa isang abandonadong gusali sa Bgy. Sto. Domingo, Quezon City.

Ayon sa QCPD, mahigit 60 palo ng paddle ang tinamo ni Bravante. Dumaing daw ito na nahihirapang huminga habang isinasagawa ang pagpalo. Hanggang sa mawalan ng malay. Isinugod sa ospital subalit patay na. Nagtamo ng mga bugbog sa hita at binti at paso ng sigarilyo si Bravante. Anim na suspect na ang naaresto.

May batas laban sa hazing (Republic Act 11053-Anti-Hazing Law), pero sa kabila nito, patuloy pa rin ang hazing. Wala nang kinasisindakan ang mga miyembro. Nagmistula na silang berdugo sa kanilang ka-brod.

Si Bravante ang ikalawang estudyante ngayong taon na ito na namatay sa hazing ng Tau Gamma Phi. Una ay si John Matthew Salilig, 18, engineering student ng Adamson University noong Pebrero 18. Namatay si Salilig dahil sa 70 palo sa katawan. Ang pinakamasakit, inilibing siya ng mga ka-frat sa isang madamong lugar sa Imus, Cavite. Anim na miyembro ng Tau Gamma Phi ang inaresto.

Noong Marso 2022, namatay din sa hazing ang 18-anyos na si Reymart Madraso, 18, estudyante, taga-Kalayaan, Laguna. Mga miyembro ng Tau Gamma Phi ang nasa likod ng hazing. Naganap ang hazing sa isang lugar sa Kalayaan. Laguna.

Noong Pebrero 2021, namatay din ang 23-anyos na Criminology student na si Omer Despabiladera ng Solis Institue of Technology sa Bulan, Sorsogon. Namatay si Despabiladera dahil sa matinding pahirap ng mga miyembro ng Tau Gamma Phi.

Noong Setyembre 2017, namatay ang UST law student na si Horacio ‘‘Atio” Castillo sa kamay ng mga miyembro ng Aegis Juris fraternity. Siyam na miyembro ng fraternity ang kasalukuyang nakakulong dahil sa pagpatay kay Castillo.

Tiyak na masusundan pa ang nangyari kay Bravante. May mamamatay muli sa hazing. Dapat nang kumilos ang mga mambabatas para umakda ng batas na bigatan pa ang parusa sa mga masasangkot sa hazing. Kung maari, ibalik ang death penalty laban sa mga mamamatay ng ka-brod. Kung ano ang inutang, yun din ang kabayaran.

vuukle comment

HAZING

Philstar
x
  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with