Kambal
Si Dr. Policarpio ay may anak na kambal na lalaki na magkamukhang-magkamukha, sina Nigel at Nero, 17-anyos. Sapul pa sa pagkabata ay may sakit na sa puso si Nero.
Minsan ay ipinasok si Nero sa ospital na pinagtatrabahuhan ng ama dahil nagkaroon ito ng infection sa lalamunan. Parehong nagtatrabaho ang ama’t ina kaya ang kuya nila ang naatasang magbantay kay Nero. Hindi nila maasahang magbantay si Nigel dahil ilang araw na itong may exam. Sumisilip-silip lang si Dr. Policarpio sa kuwarto ng anak dahil marami itong pasyenteng ginagamot. Minsang dumaan sa kuwarto ang ama, nakatuwaang dukutin ni Kuya ang key card ng ama sa bulsa nito nang hindi nakahalata. Ang lahat ng doktor sa ospital na iyon ay may key card na isinisingit lang sa door lock ng anumang room ng ospital upang mabuksan ang pinto.
“Nero, dinukot ko ang key card ni Daddy. Asar, naiinip ako dito sa kuwarto mo. Katuwaan lang, pasok tayo sa morgue. Tingnan natin ang hitsura ng mga patay.” At tuluyan nang hinila ang kapatid na walang magawa kundi sumunod.
Habang isa-isa nilang binubuksan ang freezer ng mga bangkay, naramdaman nilang may nagbubukas ng pinto. Nagtago sila sa isang sulok. Staff pala ng morgue. May ipinasok itong bagong bangkay na nakalagay sa body bag. Muling lumabas sa morgue ang staff. Iniwan lang sa stretcher ang nakasarang itim na body bag. Lumabas sa pinagtataguan ang magkapatid.
“Buksan natin ang body bag.” Ngingisi-ngising ibinaba ni Kuya ang zipper ng body bag. Pero biglang nabura ang ngisi…nang makita kung sino ang nasa loob ng bag …
“Nero, ikaw ang nasa bag…patay ka na?”
Hindi namalayan ng bawat isa na sabay silang nawalan ng malay sa sobrang pagkabigla.
Si Kuya ay binalikan ng ulirat ngunit si Nero ay tuluyan nang namatay nang oras na iyon. Hindi kinaya ng kanyang puso ang sobrang pagkabigla.
Ngunit mali ang akala nilang mag-kuya. Bangkay ng kakambal na si Nigel ang nakita nila sa body bag. Naaksidente ito habang patungo sa school. Hindi agad sila binalitaan ng mga magulang dahil baka mabigla si Nero.
- Latest