Maari bang magsampa ng kaso para magkaroon ng right of way?
Dear Attorney,
Bumili po ako ng lupa na walang access sa public highway. Nakiusap ako sa may-ari ng loteng nakapaligid na sana ay mabigyan ako ng right of way at handa naman akong magbayad o kaya’y makipag-swap ng bahagi ng aking lupa bilang kapalit. Tumanggi sila at sinabing kasalanan ko raw na walang access ang aking property dahil binili ko ito kahit walang daan papuntang highway.
Ako ba ang talagang may kasalanan sa ilalim ng batas? Gusto ko lang pong malaman dahil balak kong magsampa ng kaso para magkaroon ng right of way ang aking property. —Harold
Dear Harold,
Upang magkaroon ng karapatan ang isang property na magkaroon ng right of way, nakasaad sa Civil Code na kailangang lubos na napapaligiran ang nasabing ari-arian ng iba pang mga properties kaya wala nang madadaanan papunta sa highway. Bukod dito, kailangan din na hindi ang may-ari ng napapaligirang property ang siyang may dahilan kung bakit lubos na napaligiran ang kanyang lupa.
Ngayon, kasalanan mo ba na napapaligiran ang property mo gayong binili mo ito na alam mong wala itong daan papuntang highway? Ayon sa Korte Suprema sa kaso ng Sps. Williams v. Zerda (G.R. No. 207146, March 15, 2017), hindi naman kasalanan ng buyer ng napapaligirang lote na wala itong access sa highway kahit na alam naman niya na ganoon ang sitwasyon ng property nang bilhin niya ang nasabing lupa.
Angkop ang naging desisyon ng Korte Suprema sa sitwasyon mo kung talagang dinatnan mo ng napapaligiran ang property mo at wala itong daan papuntang highway. Base sa desisyon, hindi maaring gamitin laban sa buyer ng property ang kaalaman niya na walang access sa highway ang lupang kanyang binili upang siya ay tanggihan na magkaroon ng easement o right of way.
- Latest