EDITORYAL - Baha dahil sa basura
BUMAHA na naman! Kailan ba matatapos ang problemang ito sa Metro Manila? Noong Sabado at Lunes, nagmistulang waterworld na naman ang maraming lugar sa MM. Ang nakapagtataka, wala namang bagyo o anumang sama ng panahon. Hindi pa nga pumapasok sa bansa ang dalawang low pressure area. Karaniwang pag-ulan lang ang tumama sa MM pero maraming naparalisa.
Ang nakapagtataka lang, ang mga kalsadang hindi naman binabaha noon ay binabaha na rin ngayon kaya doble pasakit sa mga motorista ang nangyari. Dahil sa baha, trapik ang dinulot kaya naging malaking parking area ang mga kalsada.
Isa sa hindi madaanan dahil sa malalim na baha ay ang EDSA sa tapat ng Camp Aguinaldo (north bound) sa Quezon City. Hanggang baywang ang tubig kaya walang makaraan na mga sasakyan. Dahil naipon ang mga sasakyan, nagdulot iyon nang grabeng trapik. Hindi naman dating binabaha nang ganun kalalim ang tapat ng Camp Aguinaldo kaya maraming nagtataka.
Isa sa mga dahilan ng baha ay ang mga basurang nakabara sa drainage. Barado ang mga imburnal kaya walang pagdaanan ng tubig. Dahilan din daw ang mga itinatayong condominium sa paligid. Barado ng buhangin, natuyong semento at iba pang construction materials ang mga daluyan ng tubig.
Bukod sa EDSA, bumaha rin sa España Blvd., Taft Avenue at Rizal Avenue sa Maynila; Sto. Domingo at Araneta Avenue sa Quezon City, Valenzuela at Malabon. Bumaha rin sa Marikina, Pasay City at ilang bahagi ng Makati City.
Basura ang pangunahing dahilan nang pagbaha sa Metro Manila. Maraming basura na kadalasang single-use plastics ang tinatapon sa mga estero, kanal at sapa. Habang tumatagal, parami nang parami ang mga nakabara dahil dumami rin ang mga taong nagtatapon ng basura.
Kabilang sa mga basurang plastic na nakabara sa daluyan ng tubig ang mga plastic sachet ng shampoo, 3-in-1 coffee, catsup, toothpaste at iba pa. Dahil hindi nabubulok, malaking problema sa tuwing may malakas na pag-ulan at baha.
Ang problema sa plastic na basura ay inamin noon pa ni Environment Secretary Maria Antonia Yulo-Loyzaga. Ayon sa kalihim, 61,000 metrikong tonelada ng plastic na basura ang itinatapon araw-araw at 24 percent nito ay single-use plastic. Humahantong aniya ang plastic sa karagatan kaya mapanganib sa lamandagat. Sinisikap daw ng DENR na mapigilan ang pagdagsa ng plastic sa karagatan.
Isang paraan para malutas ang problema sa plastic waste ay ang pagpapalakas sa mga ordinansa ng local government units (LGUs) na nagbabawal sa pagtatapon ng basura sa mga estero at iba pang daluyan ng tubig. Bigatan ang parusa sa mga mahuhuling magtatapon. Kung hindi maghihigpit, lulubha pa ang baha sa MM.
- Latest