Kalbaryo sa taas-presyo sa petrolyo!
Talaga nga namang tumataginting na P4 ang itinaas sa kada litro ng diesel na aarangkada ngayong araw na ito.
Panibagong kalbaryo ito sa mga driver sa mga pampublikong sasakyan.
Kadalasang diesel ang gamit ng PUVs, na sa apat na sunod na linggo nga eh umaabot na sa mahigit P10 ang naitaas.
Ayan nga at umiiyak na ang mga PUV drivers, kasama na rin dyan ang mga tricycle driver, dahil mistulang hindi na umano kinakaya at pabawas nang pabawas ang kanilang kita dahil sa patuloy na pagtaas sa presyo ng petrolyo.
Baka nga hindi pa dyan yan matapos, kaya nga kinakabahan na ang transport groups sa mangyayari sa susunod na linggo.
At ang kasunod nyan, sigurado ang mga pasahero ang posibleng matumbok ng epekto nito.
Ayan na nga at patuloy nang inihihirit ng transport groups ang dagdag singil sa pasahe sa tuwing rush hour.
Nasa P1 hanggang P2 dagdag singil sa itinakdang oras ang kanilang inihihirit na sana nga raw ay mapagbigyan at maunawa sila tungkol dito.
Nangako naman ang mga ito, na nakahanda silang muling alisin ang dagdag singil sakaling bumalik na sa normal ang presyo ng petrolyo.
Ito ay para lamang mapantapal sa kakapusan sa kanilang kinikita.
Sinisilip na rin ito ng LTFRB kung mapagbibigyan ang hirit ng mga driver, pero tutol naman dito ang ilang mambabatas sa katwiran na ang publiko naman ang tatamaan dito.
Ang malaking tanong, sino ang mapagbibigyan?
Mas makabubuti nga marahil na matimbang ang sitwasyon.
Pero mas maigi nga na ang gobyerno na ang magbigay ng ayuda sa PUVs, at huwag nang mataan pa ang mga pasahero o ang publiko na ngayon ay marami na ring kinakaharap na kalbaryo.
- Latest