Teenager sa China, inubos ang life savings ng kanyang pamilya sa mobile games!
ISANG ginang sa China ang nagulantang nang makitang naubos ng kanyang anak ang 450,000 yuan (katumbas ng P3.5 million) na laman ng kanyang bank account dahil sa mobile games!
Natuklasan ni Gong Yiwang ang pagkaubos ng kanilang pera matapos siyang tawagan ng isa sa mga guro ng kanyang anak sa boarding school. Tumawag ito para sabihin na nag-aalala at may hinala ito na nalululong na sa paglalaro ng mobile games ang 13-anyos na dalagita. Para kumpirmahin ang hinala ng guro, tiningnan ni Yiwang ang kanyang bank account at nagulat ito na pitong sentimo na lang ang laman nito!
Nalaman ni Yiwang na mula Enero hanggang Mayo 2023, ginamit ng kanyang anak ang kanilang debit card sa mobile games. Umaabot sa halagang 120,000 yuan ang ginastos nito sa pagbili ng game accounts at 215 yuan naman sa mga in-game purchases. Napag-alaman na nagkaroon ng access ang dalagita sa bank account ng kanyang ina matapos iregister nito ang debit card sa kanyang smartphone.
Ang isa pa sa dahilan ng pagkaubos ng pera ay nagpa-money transfer ang 10 sa mga kaklase ng dalagita. Nalaman ng mga ito na malayang nakakapagwaldas ang dalagita gamit ang debit card kaya binully nila ito na padalhan sila ng pera. Naging viral ang balitang ito sa mga social media sites sa China at umabot ng 140 million views ang kuwentong ito sa website na Weibo.
Laganap ngayon sa China ang adiksyon ng mga teenagers sa mobile games kaya sinosolusyunan na ito ng kanilang gobyerno sa pamamagitan ng pagkakaroon ng restriction ng paggamit ng mga kabataan sa mobile games. Noong Setyembre 2021, isinabatas na ang mga menor de edad ay dapat tatlong oras sa isang linggo lamang naglalaro ng mobile games.
- Latest