Co-maker sa loan, puwede bang habulin kung hindi makabayad ang mismong nangutang?
Dear Attorney,
Nakikiusap po ang kapatid ko na pumirma ako bilang co-maker sa loan niya. Kung sakali po ba na hindi siya magbayad ay puwede ba akong habulin kahit hindi naman ako nakinabang sa inutang niyang halaga?
—Tina
Dear Tina,
Oo, puwede kang habulin kung hindi makabayad ang kapatid mo kahit pa hindi ka nakinabang sa inutang niya dahil ang silbi ng co-maker ay ang managot sa halagang hiniram sakaling hindi makabayad ang pangunahing nangutang.
Magkaiba lang kung kailan ka mananagot at ito ay depende kung isa kang surety o guarantor sa pipirmahan n’yong loan agreement.
Kung ikaw ay surety, maari ka nang habulin kaagad kapag hindi nakapagbayad ang kapatid mo.
Kung guarantor naman, maari ka lamang papanagutin sa utang ng iyong kapatid kung wala na siyang kahit anong ari-arian na maaring sumagot para sa kanyang inutang.
Kailangan mong pag-isipang mabuti ang pagpirma bilang co-maker dahil maging surety ka man o guarantor, tiyak na magkakaroon ka ng obligasyong managot sa utang ng iyong kapatid kahit pa sabihin mong hindi ka naman nakinabang sa halaga na kanyang hiniram.
- Latest