Ang babaing namatay sa panganganak
ANG Mount Carmel cemetery ay kilalang libingan ng bishops at archbishops ng archdiocese ng Chicago. Hindi lang ito libingan ng mga alagad ng Diyos kundi libingan din ng mga sikat na gangster na kaaway ng mga alagad ng batas.
Malapit sa entrance ng sementeryo ay matatagpuan ang libingan ni Julia Petta, namatay sa panganganak sa edad na 29 noong 1921. Inilibing siyang naka-wedding gown katabi ng kanyang baby na kasabay din niyang pumanaw.
Ngunit pagkatapos ng libing, laging nananaginip ang kanyang inang si Filomena na ang anak niyang si Julia ay buhay pa. Sa loob ng anim na taon, lagi niyang napapanaginipan na buhay si Julia. Sobra na siyang binabagabag ng panaginip na ito, kaya isang araw, matapos mabigyan ng permiso ng otoridad, ipinahukay nila ang bangkay ni Julia.
Nagulat ang nakasaksi sa paghuhukay dahil nanatiling buo ang katawan ni Julia. Hitsurang natutulog lang ito. Ni hindi nabago ang kulay ng balat sa kabila ng anim na taon ang lumipas simula nang ito ay inilibing. May isang humipo sa balat ni Julia at natuklasan niyang malambot pa rin ito. Samantala, ang kanyang sanggol ay kalansay na.
Ibinalik muli ang bangkay ng mag-ina sa hukay. Simula noon, pinaganda ni Filomena ang libingan ng anak. Itinayo ang estatwa ni Julia na naka-wedding gown sa ibabaw ng mismong libingan nito.
Minsan ay may batang lalaki na napahiwalay sa kanyang pamilya habang dumadalaw ang mga ito sa kamag-anak na inilibing sa Mount Carmel. Sa kahahanap sa bata, natanaw ng pamilya ng bata na ito ay akay-akay ng isang babae nakaputing gown patungo sa kinaroroonan nila. Pero nang malapit na ang babae at bata, ang babae ay nawalang parang bula. Nag-iisa na lang ang bata na lumapit sa kanyang nag-aalalang kapamilya.
Malapit lang sa entrance ang libingan ni Julia kaya ang mga motoristang nagdadaan sa tapat ng sementeryo ay madalas makakita ng babaing nakasuot ng mahabang damit habang ito ay pagala-gala sa loob ng sementeryo. Palibhasa ay kabisado na ng mga tagarito ang istorya ni Julia, sanay na sila sa pagmumulto nito.
- Latest