Athlete sa Bulgaria, 15 araw ikukulong sa isang glass cage para sa charity!
ISANG Bulgarian marathon runner ang mananatili ng 15 araw sa isang hawla na gawa sa salamin upang makakalap ng pera na ido-donate niya sa mga kabataang may problema sa adiksyon.
Kilala si Krasse Gueorguiev sa Bulgaria bilang isang “ultra-marathon runner”. Nakatakbo na siya sa mahigit 30 ultra-marathon events sa buong mundo at nakasali na rin siya sa 217-kilometer race sa Death Valley sa California. Siya rin ay isang motivational speaker at charity ambassador.
Ayon kay Gueorguiev, ang pananatili niya sa isang glass cage ng 15 araw ay challenge niya sa kanyang sarili at ekperimento na rin kung ano ang maidudulot nito sa kanyang mental health.
Bukod dito, isa rin itong fundraising event para makakalap ng donasyon na gagamitin sa mga proyekto na tumutulong sa mga kabataan na may adiksyon sa ipinagbabawal na droga, alcohol at social media.
Ang hawla na gawa sa salamin ay itinayo sa harap ng National Palace of Culture sa Sofia, Bulgaria. Kama at treadmill lamang ang kagamitan sa loob ng hawla. Pumasok si Gueorguiev sa hawla noong Abril 30 at inaasahan na lalabas siya rito sa Mayo 15.
- Latest