Ang liham mula sa patay
NOON ay Enero 26, 1950. Araw ng libing ng 67-anyos na milyonaryang si Mrs. Hilary Thompson. Ang kabaong kung saan ito nakahimlay ay nakahanda nang ilabas sa malaking mansiyon sa Windsor Drive, California. Hinihintay lang ang paglabas ng kaisa-isang nitong anak na si Amanda, 36, mula sa kanyang kuwarto.
Habang nasa kotse patungo sa sementeryo, abalang-abala ang isipan ni Amanda sa pagbabalik ng kanyang nakaraan.
“Kung hindi pinakialaman ni Mama ang aking buhay, sana ay may kasama akong asawa at mga anak sa pagluluksa. Ginulo niya ang pagsasama namin ni Benjamin hanggang sa magtagumpay siyang paghiwalayin kami. Lumuluha ako hindi dahil sa kanyang pagkamatay kundi dahil nag-iisa na ako sa buhay. Kasalanan ni Mama…pakialamera siya. Wala siyang puso!!!”
Isang kaibigan ang nagpayo kay Amanda na gumawa siya ng liham sa ina at isiwalat lahat ang sama ng loob nito. Makakatulong daw iyon para mabawasan ang bigat ng kanyang kalooban.
Nang oras ding iyon ay gumawa ng liham si Amanda. Ibinuhos niya ang lahat ng hinanakit sa ina simula nang siya ay magkaisip. Dominante ang kanyang ina at hindi ito titigil hangga’t hindi nasusunod ang kanyang kagustuhan. Ayaw nito sa lalaking pinakasalan niya, si Benjamin dahil isa lang itong waiter. Pera lang daw nila ang gusto nitong makuha kaya minaniobra ng kanyang ina ang lahat upang magkahiwalay sila. Buntis siya noon sa kanilang panganay. Pero nalaglag iyon nang tuluyang naghiwalay silang mag-asawa.
Ang ginawang liham ni Amanda para sa inang pumanaw ay iniwan niya sa drawer ng desk ng ina. Sinusian niya iyon. Pinagbakasyon niya ang kanyang mga katulong dahil nakatakda siyang magbakasyon sa Hawaii nang nag-iisa. Pagbalik sa kanyang mansiyon sa California, may sulat siyang nadatnan sa ibabaw ng desk ng ina na naka-address sa kanya: To Amanda. From Mama.
Binuksan niya ang sulat...
Itutuloy
- Latest