Kailangan bang notaryado at gawa ng abogado ang demand letter?
Dear Attorney,
Dapat po bang ipa-notaryo ang demand letter after itong matanggap ng pagbibigyan? Kailangan din po ba na abogado ang gumawa ng demand letter? —Maila
Dear Maila,
Hindi kailangang notaryado ang demand letter. Hindi rin kailangan na abogado ang gumawa nito. Ang mahalaga ay nakasaad sa demand letter ang sinisingil na halaga, kabilang na ang interest at penalties, kung mayroon man, at ang due date o ang petsa kung kailan dapat bayaran ang nasabing halaga. Maari rin ilagay sa demand letter ang banta ng pagsasampa ng kaso kung hindi pa magbayad ang sinisingil. Ang lahat ng ito ay mahalaga upang maipakita sa korte, sakaling matuloy ang pagsasampa ng kaso, na nasingil ng maayos ang may utang at nabigyan siya ng sapat na pagkakataon bago humantong ang lahat sa demandahan.
Bukod sa nilalaman nito, ang isa pang mahalagang kailangang tandaan pagdating sa demand letter ay dapat na siguraduhin na matatanggap ito ng mismong sinisingil. Kung wala kasing pruweba na natanggap ng sinisingil ang liham ay maaring ma-dismiss ang kasong isasampa laban sa kanya. Kung hindi pa kasi nasisingil ang isang may utang ay puwedeng ikatwiran na wala pa siyang sala sa hindi niya pagbabayad kaya maaring sabihin na wala pang “cause of action” o dahilan para magdemanda.
- Latest