^

Punto Mo

EDITORYAL - Gabayan ang mga kabataan

Pang-masa
EDITORYAL - Gabayan ang mga kabataan

NAKAALARMA ang sunud-sunod na karahasan na kinasasangkutan ng mga kabataan sa kasalukuyan. Hindi ito dapat ipagwalambahala sapagkat mayroon nang namatay. Kung hindi magagabayan ang mga kabataan, posibleng lumala pa ang karahasan at tuluyan na silang maligaw at magiging problema ng lipunan.

Karaniwan na ngayon ang pagrarambolan, paghahabulan, batuhan ng bote, paluan ng silya, saksakan at iba pa na hindi lamang sa Metro Manila nagaganap kundi sa probinsiya man. Karaniwang lasing ang mga kabataan at wala nang pakialam kung anuman ang kahinatnan ng kanilang ginagawa.

Kakatwang dumami ang mga karahasan na sangkot ang mga kabataan nang magluwag ng restrictions laban sa COVID-19. Mula nang magluwag, marami nang kabataan ang kumpul-kumpol at nag-uumpukan sa kung saan-saan. May mga nag-iinuman at napakaingay na para bang sila lang ang tao sa lugar. Hindi nila alam na nakakabulahaw sila. Kahit dis-oras ng gabi, marami pang kabataan ang nasa kalye.

Ang masaklap, mayroon nang mga namatay dahil sa karahasan ng mga kabataan. Katulad nang nangyari sa isang Grade 9 student na na-comatose makaraang pagtulungang bugbugin ng isang grupo ng mga tinedyer sa Quirino Highway, Novaliches, Quezon City noong Nob­yembre 18. Makaraang pagsusuntukin at pagsisipain ang estudyante, binagsakan pa ito ng bato sa ulo. Nakauwi pa ang estudyante sa kanilang bahay at ikinuwento ang nangyari. Pagkaraan ay dumaing na sumasakit ang ulo at nagsuka. Isinugod sa ospital ang biktima hanggang na-comatose at namatay noong Nobyembre 25.

Naaresto naman ang apat na tinedyer at inamin na napagtripan lamang nila ang estudyante. Nahaharap sa kasong murder ang apat na tinedyer.

Noong nakaraang linggo, dalawang lalaking estudyante ng isang sikat na school sa Makati City ang nakunan ng video habang nagsusuntukan sa comfort room. Duguan na ang ulo ng isang estudyante. Ang nakapagtataka, pinanonood lamang sila ng mga kaklase at ayaw awatin habang kinukunan ng video.

Naghahatid ng pangamba ang nangyayaring ito na sunud-sunod ang karahasan na kinasasangkutan ng mga kabataan. Hindi na sila nasusubaybayan ng mga magulang. Dapat kumilos ang mga magulang sa nangyaring ito. Bantayan ang mga anak upang hindi mapahamak at maligaw ng landas.

Malaki naman ang papel ng Philippine National Police upang mapigilan ang madalas na rambolan ng mga kabataan. Magsagawa ng pagpapatrulya sa gabi at panatilihin ang pulis sa kalye.

 

GUIDANCE

  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with