Malinaw, 24/7 ang libreng sakay sa EDSA Carousel sa buong Disyembre
Eto na naman ang mahilig na manamantala sa kapwa.
Marami kasing mga pasahero sa EDSA Carousel ang nagsumbong tungkol sa paniningil ng mga bus drivers ng pamasahe.
Ito ay sa kabila na pinaiiral ang 24/7 Libreng Sakay Program ng pamahalaan sa EDSA busway sa buong buwan ng Disyembre.
Sa kautusan sa buong magdamagang biyahe ng EDSA carousel free ride ang lahat, aba’y sa sumbong na natanggap, ilang bus drivers at mga konduktor ang naniningil paglagpas na umano ng alas-11 ng gabi.
Matindi ang mga ito, hindi ba’t pananamantala ito sa mga mananakay.
Ang ilan alam nilang dapat ay libre at walang bayad, pero minsan napipilitan na magbigay ng bayad sa pasahe dahil maaaring natatakot o umiiwas na lang sa diskusyon lalo na sa gabi.
Nagbabala na ang Land Transportation Franchising ang Regulatory Board (LTFRB) sa mga lalabag sa kautusan ng free ride.
Iniimbestigahan na rin nila ang mga sumbong at pananagutin ang mapapatunayang hindi sumusunod sa kautusan.
Pwede rin umanong magsumbong ang mga komyuter sa mga naka-deploy na tauhan ng Inter-Agency Council on Traffic (I-ACT) na naka-puwesto sa mga bus stations.
Nasa 100 bus ang bumibiyahe sa EDSA Busway.
Malaking tulong sa marami nating kababayan ang mga libreng sakay na ipinapatupad sa ibat-ibang mga pampublikong sasakyan kahit pa nga hindi sa mahabang panahon.
Pero eto nga ang mga pasaway at sige ang isip ng paraan kung paano mapagsasamantala ang mga katulad din nilang may pangangailangan.
Ito marahil ang dapat na mabantayan ng mga kinauukulan, baka kasi walang nasasampolan kaya malalakas ang loob na isnabin ang kautusan.
- Latest