Maari bang magsampa ng kaso sa magkakaibang lugar?
Dear Attorney,
Nagsampa ako ng kaso dito sa Metro Manila laban sa nangutang sa akin kaso ngayon po ay nagsisisi ako dahil kailangan ko na pong bumalik ng probinsiya. Puwede po ba na magsampa uli ako ng katulad na kaso sa lugar namin para doon na lang ang hearing at para hindi ko na kailangang magpabalik-balik pa ng Maynila? —Cora
Dear Cora,
Forum shopping ang tawag diyan sa binabalak mo na mahigpit na pinagbabawal ng batas. Masasabing may forum shopping kung ang dalawang kasong nakasampa ay sa pagitan ng parehong mga partido at ukol sa magkakatulad na isyu.
Dahil magkakapareho ang mga partido at ang mga isyu sa dalawang kaso, ang desisyon sa isa ay naaangkop rin sa isa at may posibilidad na maging magkasalungat ang mga ito.
Ipinagbabawal ang forum shopping dahil lumalabas na paulit-ulit lang na isinasampa ang isang demanda sa magkakaibang lugar sa pag-asang may korteng papabor sa nagreklamo.
Bukod sa magdudulot ito ng pagdami ng mga kasong kailangang desisyunan ng mga korte na magiging dahilan ng pagbagal ng pagkakamit ng hustisya sa ating bansa, magugulo rin nito ang sistema ng batas sa ating bansa dahil maaring magkaroon ng magkakaibang desisyon ang magkakaibang korte para sa parehong mga kaso.
Dahil mahigpit na ipinagbabawal ang forum shopping, mababasura lang ang katulad na kasong inisiip mong isampa mo sa inyong probinsya kaya mas mabuting huwag mo nang balakin ito.
- Latest