Ang butas na timba
MAY dalawang timba ang agwador na ginagamit niya sa kanyang paghahanapbuhay. Gamit ang mahabang kawayan, ito ay isinasabit niya sa kanyang batok kung saan ang isang timba ay nasa kanan at ang isa ay nasa kaliwa. Ang timbang nasa kanan ay may butas samantalang ang nasa kaliwa ay walang butas. Palibhasa’y butas ang kanang timba, laging kulang ang tubig na idinedeliber ng agwador sa kanyang mga kostumer.
Minsan ay hindi nakatiis si Kanang Timba at humingi ng paumanhin sa agwador.
“Pasensiya ka na sa akin. Laging kulang ang tubig na naibibigay ko sa iyo dahil sa aking butas.
Tinapik ng agwador si Kanang Timba.
“Okey lang ‘yun. Alam mo bang may pakinabang din sa iyong butas?”
“Pakinabang? Anong ibig mong sabihin?”
“Habang bitbit ko kayo ay itinatapat ko ang iyong butas sa mga halamang nadadaanan natin, Kaya kung iyong mapapansin, mas maraming bulaklak ang kanang bahagi ng hardin na ating dinadaanan kaysa mga halamang nasa kaliwang bahagi. Hindi nasasayang ang tubig na lumalabas sa iyong butas dahil naipandidilig ko iyon sa mga halaman.’’
Lahat tayo’y butas na timba. Ang ipinagkaiba lang ng bawat isa sa atin ay kung paano natin gagamitin ang “butas” na nasa ating pagkatao sa paraang positibo.
“It’s not about finding relevance or perfection or imperfection in objects, but it’s that you can accept yourself and then go out and accept others.” – Jeff Koons.
- Latest