Ang kuwento ng babaing alipin
SI Sojourner Truth ay ipinanganak na alipin noong 1797. Siya ay isang negra. Ang kanyang mga magulang ay parehong alipin ng iisang amo. Sampu silang magkakapatid pero hindi na sila nagkakilala dahil bata pa lang ay ibinebenta na sila isa-isa. Magigising na lang siya na wala na ang isa o dalawang kapatid niya. Ganoon ang buhay ng mga alipin. Para silang gamit na ibinebenta ng kanilang amo.
Ibinenta siya sa isang Englishman noong siyam na taong gulang. Mula sa Englishman na amo, siya ay ibinenta kay John Dumont, na taga-New York na mas mabait nang kaunti kumpara sa mga nakaraan. Hindi na siya ibinenta sa ibang amo simula noon. Nagkaroon siya ng kasintahan na isa rin alipin pero iba ang amo. Noong nagpaalam na silang magpapakasal tumutol ang kanyang amo. Ang gusto ni Dumont ay sa tauhan o alipin nito siya magpakasal upang ang magiging anak nila ay pag-aari pa rin niya. Kung ang magiging ama ng kanyang mga anak ay iba ang amo, magkakagulo pa ang dalawang amo kung sino ang may karapatang magbenta ng kanilang mga supling.
Masakit man sa kalooban ni Sojourner napilitan siyang magpakasal kay Thomas na kasamahan niyang alipin. Nagkaroon siya ng limang anak. Noong 1827, nagkaroon ng batas sa New York tungkol sa pagpapalaya ng mga alipin.
Nilayasan niya ang among si Dumont kasama ang sanggol na bunsong anak matapos nitong hindi ibigay ang kanyang kalayaan. Ang iba niyang anak na limang taon pababa ay hindi niya maisama dahil lalabag siya sa batas.
Nakituloy siya sa pamilya Wagenen na mga Christian evangelist at mabait sa kanilang mag-ina. Habang nagsisilbi sa pamilya Wagenen, nabalitaan niyang ibinenta ni Dumont ang anak niyang si Peter na limang taon lang sa isang lalaking taga-Alabama. Noon ay may batas na bawal ibenta ang alipin sa labas ng state na pinagsisilbihan nito.
Tinulungan siya ng mga Wagenen na magsampa ng kaso upang mabawi ang anak na si Peter. Kinampihan si Sojourner ng korte at nabawi niya si Peter. Simula noon ay naging aktibo siya sa pagkampanya na tanggalin ang slavery sa buong United States. Sa sobra niyang kasikatan at dami ng mga isinakripisyo, ang Mars rover na isang automated motor vehicle na ginawa ng NASA para mag-ikot sa planetang Mars ay pinangalanang “Sojourner” bilang parangal sa kanyang kabayanihan.
- Latest