Ang Tinapay at ang Buwaya
ITO ay tunay na pangyayari sa Sri Lanka nang nagkaroon ng tsunami noong 2004. Tuwing umaga ang lalaki ay nagpupunta sa lagoon upang magpakain ng tinapay sa mga isda. Ang dulo ng lagoon ay konektado sa dagat.
Minsan, nagulat ang lalaki dahil may lumutang na buwaya sa lagoon. Kung tutuusin ay nakakatakot ang mga buwaya sa Sri Lanka dahil kilala ang mga itong kumakain ng tao. Pero ang lalaki ay sanay na sa presensiya ng buwaya kaya’t nagulat man ay sandali lang. Hinagisan niya ng ilang pirasong tinapay ang buwaya. Pagkakain ng hayop ay tumalikod na ito at umalis.
Tila may isip ang buwaya dahil nasanay na itong magpakita sa lalaki tuwing umaga. Para bang alam na alam niyang pakakainin siya ng almusal ng mabait na lalaki. Pagkahagis ng tinapay ay agad umaalis ang buwaya.
Isang araw ay nagbago ang iskedyul ng pagpapakain ng isda, hapon na ng dumating ang lalaki. Ilang saglit lang siyang nagpapakain nang dumating ang tsunami. Palibhasa ay nasa gilid ng lagoon, mabilis siyang nadala ng alon sa gitna ng dagat.
May nakita siyang malapad na kahoy na lulutang-lutang kaya’t doon siya nangunyapit. Habang tinatangay nang malakas na alon, bigla niyang napansin na may isang troso na nakalutang malapit sa kinaroroonan niya. Nilangoy niya ang kinaroroonan ng troso at doon lumipat. Sa isip niya, mas higit na malaki ang troso at matibay kaysa kahoy na una niyang kinapitan.
Sa pagtataka ng lalaki ang galaw ng troso ay salungat sa agos at patungo ito sa gilid ng lagoon kung saan siya dating nakapuwesto. Saka lang niya napansin na may buntot ang inakala niyang troso.
Ang sinakyan pala niya ay buwaya. Buti na lang at malapit na sila sa gilid ng lagoon kaya’t mula sa likod ng buwaya, tinalon niya ang gilid ng lagoon. Ang buwaya naman ay umalis pagkatapos ng pangyayari. Para bang sinadya lang nitong ihatid ang lalaki sa ligtas na lugar.
Sabi ng mga pilosopo, iniligtas ang lalaki upang may magpakain pa rin araw-araw sa buwaya. Ngunit naniniwala ang ibang tao na tumanaw lang ng utang na loob ang buwaya sa kabutihan ng lalaking nagbibigay sa kanya ng tinapay araw-araw.
- Latest