EDITORYAL - Bawal na ang plastic straw at stirrer
BAWAL nang gumamit ng plastic straw at stirrer. Isinama na ang mga ito sa kategoryang single-use plastic. Pagmumultahin ang mahuhuling gagamit ng mga ito. Inaprubahan noong Martes ang pagbabawal sa mga ito pero sa isang taon pa magkakabisa ang phaseout.
Sabi ni DENR Undersecretary Benny Antiporda, isang taon ang binigay na phaseout period sa mga kompanyang gumagawa ng plastic straws at stirrer para ang mga natitirang stocks ay mai-dispose at saka titigil sa kanilang production. Ayon kay Antiporda, pagkalipas ng isang taon at may mahu-ling gumagamit pa nito pagmumultahin na. Hindi nilinaw ni Antiporda kung sino ang pagmumultahin – ‘yung consumer ba o yung manufacturer ng straw at stirrer.
Magandang hakbang ito na dapat noon pa ipinatupad sapagkat grabe na ang problema sa plastic na basura. Hindi lamang tao ang napipinsala sa pagdami ng basurang plastic kundi ang iba pang lamandagat. Lahat nang basurang plastic na itinapon sa kanal, estero, at ilog ay humahantong sa dagat. Napagkakamalan ng mga balyena na pagkain ang plastic at kinakain dahilan para bumara sa bituka at mamatay.
Ang mga single-use plastic ang karaniwang dahilan nang pagbabara ng mga drainage sa Metro Manila at nagdudulot ng pagbaha. Hindi nabubulok ang mga plastic na ito tulad mga sachet ng shampoo, hair conditioner, 3-in-1 coffee, catsup, at marami pang iba. Ang mga ito ay karaniwang makikitang lulutang-lutang sa mga estero gaya sa Binondo at Quiapo.
Hindi maliit na problema ang pagdami ng mga plastic na basura. Kapag hindi ito nasolusyunan ngayon, ga-bundok na problema ang haharapin ng bansa. Makipagtulungan naman ang mamamayan sa hindi paggamit ng single-use plastic. Puwede namang gumamit – halimbawa ng straw o stirrer na gawa sa kawayan na hindi makasisira sa kapaligiran. Malaking tulong ang pagbabawal sa paggamit ng straw at stirrer para hindi malunod sa plastic ang Metro Manila gaya ng babala ng environment group.
- Latest