Quarry operation sa Montalban, sanhi ng pagbaha sa Marikina?
KAILANGAN ng siyudad ng Marikina ang pangmatagalang solusyon para maresolba itong paulit-ulit na baha na ikinalubog ng mga bahay nila at sinira pa ang naipundar nilang kagamitan at kabuhayan. Siyempre, hindi madali itong proyekto dahil kailangan itong pangunahan ng Kongreso para may sapat na pondo dito, di ba mga kosa?
Noong binaha ng bagyong Ondoy ang Marikina, umapaw ang tubig sa Marikina river kaya’t malaking bahagi ng siyudad ang lubog sa baha. Matapos ang mahigit sampung taon, unti-unting nakaahon ang mga Marikeños, subalit nitong nagdaang araw ay dumaan naman ang bagyong Ulysses at nawala sa isang iglap ang pinaghirapan ng mga apektadong residente. Get’s n’yo mga kosa?
Maraming ulan and ibinuhos ni bagyong Ulysses kaya’t pati ang bayan ng Rodriguez, at San Mateo, ang Pasig City at iba pang kalapit na lugar ay nalubog din sa baha at putik. Kung sa panahon ng bagyong Ondoy, maraming residente ang nagbuwis ng buhay, dito sa bagyong Ulysses ay bilang lang ang namatay dahil nakahanda ang liderato ni Mayor Marcelino Teodoro sa bagyo. Subalit hanggang kelan maghihirap itong mga kosa nating Marikeño? Araguuyyyy!
Dapat sa ngayon pa lang ay magplano na ng kongkretong proyekto ang gobyerno kung paano mapigilan itong paulit-ulit na baha sa Marikina at karatig na lugar, di ba mga kosa? Tumpak!
Ang suhestiyon ng mga kosa ko ay dapat magkaakibat itong Kongreso at opisina ni Public Works Secretary Mark Villar para magpatayo ng floodgates at iba pang infrastructure para mapigilang bumaha na muli sa Marikina at iba pang lugar. At dapat magkaroon ng malaking papel dito sina Rep’s Rodante Marcoleta, Mike Defensor at Boying Remulla na bongga ang role na ginampanan para masibak sa ere ang media giant na ABS-CBN.
Maaring hindi kasama sa Komite ng infrastructure ang «tatlong itlog» subalit ang wish ng mga kosa ko ay makialam sila dahil malaki ang tiwala nila sa mga ito. Hak hak hak! Kanya-kanyang gimik lang ‘yan!
Sa totoo lang, itong kalbong Marikina watershed ang itinuturong isa sa mga dahilan kung bakit binabaha ang Marikina at iba pang lugar. Mukhang hindi napigilan ang pagputol ng kahoy dito. Sinasabi ng mga kosa kong Marikeño na kapag tag-ulan ang tubig na bumababa sa bundok ang Antipolo City, San Mateo at Rodriguez ay dumadaan dito sa Marikina watershed bago lumusong sa Marikina river. May plano na magtanim ng kahoy dito. Anyare? Kung may sapat na kahoy sana sa watershed, napigilan sana ang pagbulusok ng tubig baha dahil sisipsipin ito ng mga ugat ng kahoy, di ba mga kosa?
May nagtuturo naman sa malawakang quarry operations sa Rodriguez (Montalban) at San Mateo na sanhi ng pagbaha. Nagkaroon pa ng protesta ang mga residente laban sa quarry operations subalit bulag, pipi at bingi ang LGU dito. Hayun, dahil hindi kumilos ang mga LGUs kaya’t ang mga residente ng Marikina at binaha na lugar ang kawawa. Araguuyyyy!
Dapat halukayin nina Marcoleta, Defensor at Remulla kung sino ang nasa likod nitong quarry operation para pagmultahin o makasuhan. May nagsuhestiyon naman na buhayin ang Wawa dam o maglagay ng floodgates sa Montalban subalit mahigpit itong tinutulan ni kosang Paul Edward Sison, na ang bahay sa Bgy. Concepcion Uno ay pinasok ng dalawang metrong tubig-baha. Araguuyyyy!
Dapat mabilisan ang proyekto ng gobyerno dito sa baha sa Marikina para makaiwas sa stress ang mga Marikeño tuwing may darating na bagyo. Abangan!
- Latest