Eto ang saysay ng demokrasya
AYAW talagang tumigil ng mga kumokontra sa kakapirma lang ng Anti-Terrorism Law.
Iba-ibang personahe, may mga nasa akademya, nasa simbahan, pulitiko at mga civic group.
Hindi ko na kailangang isa-isahin ang kanilang mga pangalan dahil naglabasan na ito sa iba’t ibang media.
Ang magandang sitwasyon sa puntong ito ay nagbigay na ng pahayag ang Palasyo sa mga umaapela’t kumokontra.
Tutugon ang pamahalaan. Yuyuko sa anumang magiging desisyon ng Korte Suprema sa inihahaing Temporary Restraining Order at Writ of Preliminary Injunction.
Kapag hindi pa kuntento sa desisyon ng Korte Suprema, puwede ba itong dalhin sa international court.
Eto naman kasi ang saysay ng demokrasya sa Pilipinas may malayang pamamahayag, malayang kumontra sa mapayapa at matuwid na pamamaraan.
Tulad nitong kontrobersiyal na Anti-Terror Law na pinagduduldulang labag sa konstitusyon o Saligang Batas ng bansa.
Ang nakakatawa kasi sa mga kolokoy, kolokay na ito ay nagkaroon nang mahabang panahon ng deliberasyon pero hindi sila nagsipagpalagan.
Nagkaroon ng imbitasyon at representante ang lahat ng sektor ng lipunan kasama na rito ang Commission on Human Rights (CHR) at si Sen. Risa Hontiveros bilang representante ng Liberal.
Mula sa pahayag ni Sen. Ping Lacson sa media, wala naman daw ginawang mga pagtutol at sa halip ay isinama pa sa probisyon ang kanilang mga rekomendasyon.
Ang ending, nagsilutang ang mga balimbing at may mga sakit na kalimot.
Nasa publiko na ang pag-oobserba, unti-unti na nating nakikilatis ang uri ng mga pulitikong iniluklok natin sa puwesto. Nasa ating mga kamay na kung meron pang “next time.”
- Latest















