Panaginip
BAGSAK siya sa nursing board exam. Iyak siya nang iyak. Ang sabi ng kanyang mga kabigan – “kung makaiyak ka naman ay parang katapusan na ng mundo.’’
Hindi siya umiimik. Kung alam lang nila na talagang katumbas na ng katapusan ng mundo ang pagbagsak niya sa board exam. Simula sa pagkabata ay mula sa “limos” ng kanyang lolo, lola at mga kapatid ng ina ang bumubuhay sa kanya. Natapos niya ang kursong nursing sa tulong ng pamilya ng kanyang ina. Hiyang-hiya siya sa mga nagpaaral sa kanya. Parang gusto niyang matunaw. Lumaki siyang ulila. Disgrasyada ang kanyang ina. Maaga itong binawian ng buhay dahil sa breast cancer.
Ilang araw siyang malungkot kaya wala siyang ginagawa kundi maglinis ng bahay. Sa sobrang pagod ay nakatulog siya matapos linisin ang prayer room. Nanaginip siya na nagsalita ang imahen ni Birhen Maria. Ang pinakamalaking santo sa altar. Ang sabi raw sa kanya:
“Linis ka nang linis ng bahay pero hindi mo naman ako pinupunasan kahit minsan.”
Sa puntong iyon, bigla siyang nagising. Tiningnan niya ang santo. Maalikabok na ang mukha nito at maagiw na ang damit. Paulit-ulit niyang inuusal ang sinabi ng santo sa panaginip. Para kasing may ipinahihiwatig ito na mas malalim pa: “Linis ka nang linis ng bahay pero hindi mo naman ako pinupunasan kahit minsan.” Natigalgal siya. Aral nang aral, review nang review pero hindi naman marunong magdasal at magsimba. Iniasa lang niya ang kanyang kapalaran sa sariling kakayahan.
Kaya kahit siya matalino ay hindi siya pinalad na makapasa. Matagal niyang inisantabi ang Diyos kaya marahil kinuha ang kanyang atensiyon sa pamamagitan ng pagkausap sa kanya sa panaginip.
Sa pangalawang pagkakataon, muli siyang kumuha ng board exam. Nakapasa siya. Nagtatrabaho na siya ngayon sa isang ospital sa Metro Manila.
Isa siya ngayon sa magigiting na frontliners na nagsisilbi sa bayan.
- Latest