Ang babae sa aparador (8)
“WALA ka bang kamag-anak na malalapitan? Wala ka bang alam na malalapitan sa Maynila?’’ Tanong ni Jonas kay Ziarah.
‘‘Wala po. Tanging ang ina-inahan ko ang aking kamag-anak. Sa parte ng aking tatay, wala akong alam na kamag-anak. At walang nasabi ang ina-inahan ko hanggang sa siya ay mamatay. At isa pa, Kuya Jonas, hindi pa ako nakakarating sa Maynila.’’
“Ganun ba?’’
‘‘Ang pagtakas ko po sa aking ama-amahan ay biglaan. Nakakita lamang ako ng pagkakataon kaya nakatakas. At nagpapasalamat ako na ikaw po ang napadaan sa lugar na tinakbuhan ko. Kung hindi mo po ako isinakay baka kung ano na ang ginawa sa akin ng manyakis kong ama-amahan. Baka po nagtagumpay na siya sa kanyang masamang balak sa akin.’’
Napatangu-tango si Jonas.
Posible ang sinabi ni Ziarah. Kung hindi niya ito naisakay baka nga nailugso na ang puri nito.
Kawawa naman si Ziarah kung hindi niya natulungan.
Matagal silang natahimik. Patuloy ang katamtamang pagpapatakbo ni Jonas.
Nakikita niya sa gilid ng kanyang mga mata na nag-iisip nang malalim si Ziarah habang nakatanaw sa labas ng bintana ng sasakyan.
Maya-maya, nagsalita si Ziarah. May himig pakikiusap.
‘‘Kuya, lubus-lubusin mo na ang pagtulong sa akin. Kunin mo na akong katulong. Marami naman akong alam na gawaing bahay. Sabihin mo sa iyong misis na marunong akong maglaba, magluto, mamalantsa at maglinis ng bahay. Kahit hindi ninyo ako suwelduhan basta mayroon akong matirahan at malayo sa panganib.’’
Nag-isip nang malalim si Jonas.
At saka napangiti dahil akala ni Ziarah ay may asawa na siya.
‘‘Binata pa ako.’’
‘‘Ay sorry Kuya.’’
“Sige pag-usapan natin pagdating sa bahay ko sa Makati.’’
May nakitang liwanag si Jonas sa mukha ni Ziarah.
(Itutuloy)
- Latest