^

Punto Mo

Escalator: tinatayuan o nilalakaran?

(AGHAM AT TEKNOLOHIYA) PANDAYAN - Ramon Bernardo - Pang-masa

Isa nang pamilyar na pasilidad sa mga shopping mall, train station, gusali, underpass, airport, hotel, ospital, at iba pa ang escalator. Nagagamit ito sa pag-akyat o pagbaba ng mga tao. Kaluwagan ang binibigay nito lalo na kung may kasamang mga maliliit na bata, PWDs at buntis.

Karaniwan, tatayo ka lang sa isa sa mga steps ng escalator at kung kailangan ay hahawak sa handrail para hindi matumba habang umaakyat o bumababa. Mabagal lang ang galaw ng escalator na isang paraan marahil para hindi makaaksidente o tumumba at mahulog ang mga nakasakay.

Pero, makakakita ka rin minsan ng mga tao na, dahil marahil sa pagmamadali, naglalakad na lang nang mabilis o tumatakbo sa escalator at nilalaktawan ang mga steps nito para makarating agad sa taas o babang palapag.

Hindi malaman kung makatwiran ang ganitong gawain, tama ba o mali, o dapat bang pigilan o pabayaan.  Paano kung merong emergency o nagmamadali o may hinahabol ang isang tao na gagamit ng escalator na likas na mabagal?

May mga establisimento na nagpapatupad ng mga kaukulang patakaran para sa ligtas na paggamit ng escalator pero tila wala pa yatang panuntunang may kinalaman sa kung dapat bang manatili kang nakatayo dito o puwede bang lakarin na lang o tumakbo rito.

Sa Japan, kasalukuyang isyu pala sa kanila ang paglalakad sa escalator. Ilang lunsod at bayan ang nagpatupad ng ordinansa o patakaran na nagbabawal sa paglalakad sa escalator o humihikayat sa mga tao na manatili lang nakatayo habang nakasakay dito bilang bahagi ng gumugulong na mga pagsisikap na maitaguyod ang ligtas na paggamit ng escalator.

Isang kompanyang tagagawa ng escalator sa Japan ang Hitachi Building Systems Inc. na nagpalabas ng pahayag na nagsabing ang mga escalator ay hindi idinisenyo para lakaran. ­Malalaki kasi ang steps ng escalator kumpara sa mga regular na hagdan kaya merong panganib na madapa o mahulog kung maglalakad dito lalo pa kung tumatakbo. May mga nagsasabing ang pagtayo sa escalator ay isa ring pagbibigay-daan sa mga taong may kapansanan tulad ng mga stroke victim, pilay at bulag at sa mga matatandang mahihina na ang mga tuhod at kailangang gumamit ng tungkod para makatayo o makalakad. Maaari lang silang makahawak sa isang gilid ng escalator habang umaandar ito. Baka masagi sila at matumba ng taong naglalakad at lalagpas sa kanila habang nakasakay sa escalator.  Isang konsiderasyon sa mga may kapansanan ang pananatiling pagtayo habang gumagamit nito.

Dahil disiplinadong mga tao ang mga Hapones, marami sa kanila ang sumusunod sa ipinapatupad na panuntunan sa pagtayo sa mga escalator, batay na rin sa isang survey na lumabas sa Japan Times.  Sabi nga ni Toshiko Nitta, isang professor emeritus sa Bunkyo Gakuin University sa Tokyo at isang eksperto sa kaligtasan sa escalator, ang mga nagmamadali ay dapat na lang gumamit ng mga hagdanan. Mahalaga para sa kaligtasan ng mga pasahero ang pagtayo sa escalator.

Dito sa Pilipinas, tila hindi ito malaking isyu na marahil ay dahil wala namang nangyayaring masama o wala namang nagrereklamo pero totoo rin naman na may mga Pilipino na naglalakad o tumatakbo paakyat o pababa sa escalator nang hindi isinasaalang-alang kung nakakaabala o nakakaapekto sila sa ibang tao.

-oooooo-

Email: [email protected]

ESCALATOR

Philstar
  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with