Ang babae sa aparador (6)
“HUWAG ka nang mahiya,’’ sabi ni Jonas sa babae. ‘‘Halika na. Malayo pa ang Maynila. Baka hindi ka makatagal.’’
‘‘E...’’
Binuksan ni Jonas ang pinto sa hulihan.
‘‘Pagkakain natin ay aalis agad tayo at baka hinahabol ka pa rin ng manyakis mong ama-amahan. Malay natin baka sumakay ng bus yun at hinahabol ka.’’
Natigilan ang babae. Nag-isip. At saka kumulimlim ang mukha.
“Halika na at gutom na gutom na ako.’’
Kumilos ang babae sa pagkakaupo at lumabas sa sasakyan. Isinara ni Jonas ang pinto.
‘‘Halika sa loob.’’
Pumasok sila.
Maraming kumakain dahil mag-aalas dose na. Karamihan sa mga kumakain ay halatang galing sa biyahe na tumigil lang para mananghalian.
Nakakita ng bakanteng mesa si Jonas sa dulo sa gawing kanan malapit sa may drinking fountain.
‘‘Ayun bakante, dun tayo.’’
Tinungo nila.
‘‘Anong gusto mong kainin?’’ tanong ni Jonas sa babae.
“Kahit po ano.’’
“Fried chicken at rice, okey sa iyo.’’
“Opo.’’
Umalis si Jonas at nag-order sa counter. Pagkaraan ng ilang minuto, dala na niya ang order. Dalawang fried chicken with rice at 2 softdrinks.
Marahan niyang ibinaba sa mesa at saka siya umupo.
‘‘Sige kain na.’’
Kumain sila. Napansin ni Jonas na nahihiya ang babae at hindi makatingin nang tuwid sa kanya.
‘‘Ano ang pangalan mo?’’
‘‘Ziarah po!’’
(Itutuloy)
- Latest