Apektado tayo ng mga trahedya
PARA sa marami, hindi maganda ang pasok ng 2020. Ominous daw, sabi ng ilan, na ang ibig sabihin ay nagbabadya na mas malala pa ang mga trahedyang darating. Hindi pa rin ganap na naaapula ang sunog sa kagubatan ng Australia na sumira ng maraming tahanan at pumatay ng libu-libong mga puno, hayup at ibon. Sumabog ang Bulkang Taal na sumira sa milyung-milyong halaga ng mga bahay, pananim, mga hayop, at mga kalsada. Nagsimula ang nakamamatay na coronavirus sa Wuhan, China at ngayon ay kinatatakutang kumalat sa buong mundo. Namatay dahil sa pagbagsak ng sinasakyang helicopter ang basketball icon na si Kobe Bryant, kasama ang 13-taong gulang na anak na babae na si Gigi.
Kapag may nangyayaring trahedya sa mundo, dalawang bagay ang pumupukaw sa ating isip at damdamin. Una, anumang mangyari sa isang bahagi ng mundo ay apektado ang buong mundo. Dahil sa pagkalat ng coronavirus, bumagsak ang stock market at naapektuhan ang pandaigdigang turismo, lalo na sa Asia. Kaya hindi puwedeng sabihin na wala tayong pakialam sa mga nangyayari sa labas ng Pilipinas. Anumang trahedyang mangyari sa ibang bansa ay apektado ang iba pang bansa. Lalo namang hindi natin puwedeng sabihing wala tayong pakialam sa mga nangyayari sa ibang panig ng Pilipinas. Tayo’y nakasakay sa iisang eroplano. Kapag bumagsak ang ating eroplano, lahat tayo’y mapapahamak.
Anumang mangyaring trahedya sa isang tao ay apektado ang buong sangkatauhan. Wika nga ng makatang si John Donne, “Ang pagkamatay ng sinumang tao’y kabawasan sa akin, sapagkat ako’y bahagi ng sangkatauhan. Kaya’t kapag kumalembang ang kampana, huwag mong itanong kung para kanino ang pagkalembang nito, ito’y para sa iyo.” Ang biglaang pagkamatay ni Kobe at ng kanyang anak na babae ay kumurot sa puso ng maraming mga ama. Nagkalat ang post sa FB na tumatawag sa mga ama na mag-ukol ng mahabang panahon sa kanilang mga anak, sapagkat hindi nila tiyak kung ito na ang huli.
Ikalawa, maikli ang buhay at hindi natin ito hawak. Sa isang kisap-mata, maaaring dumating ang kamatayan. Paano ba natin ito talagang mapaghahandaan? Naalala ko ang kuwento sa Biblia tungkol sa isang mayaman na sobra-sobra ang ani at wala nang mapaglagyan. Kaya’t nagpagawa siya ng mas malaking imbakan at sinabi niya sa kanyang sarili na wala na siyang gagawin kundi ang magpahinga, kumain, uminom, at magpakasaya. Kaya lang, nang gabing iyon ay binawi ng Diyos ang kanyang buhay. Wika ni Hesus, “Ang buhay ng tao’y hindi nakasalalay sa kasaganaan ng kanyang mga ari-arian.”
Kailanman ay hindi puwedeng maging pisikal ang paghahanda sa kamatayan. Anumang bagay na materyal ay iiwan lamang natin dito sa lupa, kung saan maaari pa itong pag-away-awayan ng mga tagapagmana. Ang tanging paraan sa paghahanda sa kamatayan ay espirituwal. Sa paanong paraan? Mahalin ang Diyos sa pamamagitan ng pagmamahal sa kapwa, lalo na sa mga nangangailangan. Sinabi ni Hesus na ipinaghahanda Niya tayo ng mansyon sa langit. Pero may papel tayo rito. Kapag gumagawa tayo ng kabutihan dito sa lupa, nagpapadala tayo ng mga materyales doon sa langit para sa itinatayong mansyon na nakalaan sa atin.
- Latest