Kulay itim
MAKUKULAY na lobo ang ibinebenta ng lalaki sa Central Park, New York City. Upang maengganyo na magpabili ang mga bata ng lobo sa kanilang mga magulang, isa-isang nagpapalipad ng makukulay na lobo na may helium ang lalaki. Ang una niyang pinalipad ay dilaw. Sunod na pinakawalan ay puti, pula, berde at asul. Pinalibutan siya ng mga bata at nagpapalakpakan tuwing may pinalilipad siyang lobo.
Sa ‘di kalayuan ay pinapanood ng mag-inang black American ang pagpapalipad ng lobo. Saglit na nagpaalam ang batang black sa kanyang ina para lapitan ang lalaking nagtitinda ng lobo.
“Sir, kung ‘yan itim na lobo ang pakakawalan mo, lilipad rin ba siya ng mataas?”
Napangiti ang lalaki. Napansin nito ang kulay ng bata at naunawaan niya kung bakit ganoon ang katanungan nito. Tinitigan niya ang bata at buong pagsuyong nagsalita:
“Of course my little boy, lilipad din ng napakataas ang itim na lobo kagaya ng lobong puti, dilaw at ibang kulay. Hindi kasi kulay ang nagpapalipad sa lobo kundi ang helium na nasa loob nito. Tingnan mo…”
At saka pinalipad ng lalaki ang lobong kulay itim. Nakangiting tinanaw ito ng bata habang umiindayog sa hangin ang lobo paitaas.
- Latest