Mga ginantsilyong sweater
TUMAGAL ng 60 taon ang pagsasama ng mag-asawang Celia at Dan nang ubod nang saya. May nagiging problema ngunit ito ay agad nasosolusyunan. Ang isa pang maganda sa pagsasama ng mag-asawa ay wala silang sikreto na itinatago sa isa’t isa maliban lang sa isang wooden box ni Celia na laging nakasusi simula noong unang araw na sila ay ikinasal. Ang pakiusap ni Celia sa asawa ay huwag itong pakikialaman na siya namang nasunod hanggang sa umabot ng 60 taon ang kanilang pagsasama.
Dumating ang panahon na humina na ang pangangatawan ni Celia kaya bago ito pumanaw ay nagpasya itong buksan ang kanyang kahon at ipaliwanag kay Dan kung ano ang laman nito. Pagkabukas ng kahon ay tumambad ang dalawang sweater na ginantsilyo ni Celia at isang bungkos na 100 thousand pesos. Namangha si Dan. Paliwanag ni Celia:
“Bago tayo ikinasal, sinabihan ako ng aking lola na ang sikreto ng masayang pag-aasawa ay pag-iwas sa pakikipagtalo. Kaya tuwing magagalit ako sa iyo at gusto na kitang murahin, tumatahimik na lang ako. Ibinubulalas ko na lang ang aking sama ng loob sa pamamagitan ng paggagantsilyo ng sweater.”
Napangiti si Dan. Sa loob-loob niya ay dalawang beses lang nagalit si Celia sa kanya sa loob ng 60 taong pagsasama nila dahil dalawa lang ang nagantsilyo niyang sweater. Aba, mabait din pala siya! Pero naitanong niya ang tungkol sa pera.
“E, ano naman ang paliwanag mo diyan sa 100 thousand pesos na nakatago sa kahon mo?”
“Ito ang napagbentahan ko sa mga sweater na ginantsilyo ko tuwing ako ay nagagalit at gigil na gigil sa iyo.”
- Latest