Paano humingi ng suporta sa ama ng bata na hindi nagbibigay ng sustento?
Dear Attorney,
Ano po ba ang maari kong gawin upang makahingi ng suporta mula sa ama ng aking anak? Pinayagan naman po niyang gamitin ng bata ang apelyido niya ngunit hindi po kami kasal at ngayon ay may iba na siyang pamilya. Nagbibigay po siya ng pera dati ngunit simula noong makasal na siya ay paminsan-minsan na lang siya nagbibigay ng pantustos sa anak namin. Gusto ko po sanang masigurado na magiging regular ang pagbibigay niya ng sustento.
Amy
Dear Amy,
Kailangan mo munang padalhan ng demand letter ang ama ng iyong anak. Nakasaad sa sulat kung magkano ang buwanang suporta na hinihingi mo upang matustosan ang pangangailangan ng bata. Kung mayroon ay ilakip mo sa liham ang mga pruweba ng nagagastos mo buwan-buwan para sa anak mo katulad ng mga resibo at iba pa.
Maganda rin kung magbukas ka ng ATM bank account sa pangalan ng bata upang makampante ang lalaki na sa bata talaga mapupunta ang anumang ipapadala niya. Kung ang bata ay edad 7 at pababa, maari kang magbukas ng “In Trust For” (ITF) account na bagama’t nakapangalan sa anak mo ay awtorisado ka namang mag-withdraw para sa kanya. Ilagay mo na sa liham ang account number upang hindi niyo na kailangang magkita at mag-abutan pa ng pera ng ama ng iyong anak.
Sa liham ay bigyan mo ng palugit na 10 hanggang 15 araw ang lalaki upang siya ay makapagbigay ng sustento. Kung lumipas ang nasabing panahon at wala siyang maibigay ay maari ka ng dumiretso sa korte at magsampa ng kaukulang kaso laban sa kanya.
Maari kang magsampa ng civil case for support sa family court alinsunod sa mga probisyon ng Family Code na nagtatakda ng obligasyon sa mga magulang na suportahan ang kanilang mga anak. Puwede ka ring magsampa ng kasong kriminal sa ilalim ng Republic Act No. 7610 o Special Protection of Children Against Abuse, Exploitation and Discrimination Act. Masasabi kasing pang-aabuso sa bata ang pagkakait sa kanya ng kanyang mga pangangailangan.
Posible rin na sampahan mo ang lalaki ng kasong kriminal sa ilalim ng RA 9262 o Anti-Violence Against Women and Children Act dahil pinaparusahan din sa nasabing batas ang hindi pagbibigay ng suporta sa babae at sa kanyang mga anak.
Sana’y nasagot ko ang iyong mga katanungan. Paalala lamang sa ating mga mambabasa na ang nakasaad dito ay batay lamang sa inilahad ng sumulat at maaring hindi ito maging angkop sa ibang sitwasyon.
- Latest