Ituloy ang pakikipaglaban ng mga pambansang bayani
INAMIN ni Defense Secretary Delfin Lorenzana na napa-kahina ng kakayahan ng Pilipinas na ipagtanggol ang sarili nitong teritoryo laban sa pananakop ng mga dayuhan. Kamakailan lamang, napaulat na muling naghain ng “diplomatic protest” sa Beijing ang Department of Foreign Affairs dahil sa pagpasok ng mga barkong pandigma ng China sa karagatan ng Tawi-Tawi na bahagi ng teritoryo ng Pilipinas at hindi lamang nasa loob ng tinatawag na “200-mile Exclusive Economic Zone” (EEZ) ng bansa.
Marami nang inihaing protesta ang Pilipinas, pero ang tanong, inaksyunan ba ng China ang mga protestang ito o ibinasura lamang tulad ng pagbasura nito sa ginawang ruling ng Arbitral Court noong 2016 na nagkakaloob sa Pilipinas ng “sovereign rights” sa ilang teritoryong inaangkin ng China sa West Philippine Sea?
Ayon sa ulat ng militar, noon pang Hulyo ay namataan na ang paulit-ulit na pagpasok ng mga barkong pandigma ng China sa karagatan ng Tawi-Tawi nang walang pahintulot. Bukod pa rito, pinapatay ng mga barkong ito ang kanilang “Automatic Identification System” na paglabag sa pandaigdig na patakaran ng “innocent passage”. Ito’y ginagawa lamang ng mga barkong pandigma sa panahon ng giyera upang hindi mamataan ng kaaway.
Dati’y mga barkong pangisda lamang ng China ang pumapasok sa karagatan ng Pilipinas. Ngayon ay mga barkong pandigma na. Ito’y kawalan ng respeto at isang mariing pagyurak sa ating sobereniya bilang isang malaya’t nagsasariling bansa.
Ngunit ano nga ba naman ang magagawa ng isang maliit na bansang tulad ng Pilipinas upang hadlangan ang mga naisin at aksiyon ng isang higanteng bansang tulad ng China? Wala tayong panalo sa China kung tayo’y makikipaggiyera rito. Ngunit kahit wala, kinakailangan tayong manindigan bilang isang bansang nagsasarili. Kinakailangang pangalagaan natin ang ating teritoryo. Kinakailangang lumaban kahit sa isip natin ay wala tayong laban. Tularan natin ang Vietnam. Mas maliit pa sa atin ang Vietnam. Wala itong pakikipag-alyansang militar sa anumang bansa, hindi katulad natin, mayroon tayong “military alliance” sa US. Kung tutuusin, puwede tayong maging mas matapang kaysa Vietnam.
Kamakailan, naitaboy ng mga barko ng Vietnam ang mga survey ships ng China sa labas ng EEZ nito. Wala silang ginamit na dahas, sapat nang maipakita nila na hindi sila maaaring sindakin ng mga barko ng China. Minsan nang nakipaglaban sa South China Sea ang mga barkong pandigma ng Vietnam sa mga barkong pandigma ng China. Siyempre, dehado ang mga Vietnamese, pero hindi sila nagpasindak, kahit may mga namatay sa kanilang panig. Wala silang laban, ngunit nakuha nila ang respeto ng buong mundo, at marahil ay maging ng China mismo.
Kabaliktaran naman ang ginagawa ng ating gobyerno. Nauna nang ipinahayag ni Presidente Duterte na ang mga mangingisda mula sa China ay maaaring manghuli sa ating EEZ, hindi natin sila mapipigilan, sapagkat inaangkin ng China ang halos buong South China Sea.
Sa Bibliya, dahil sa katapangan at pagtitiwala sa Diyos at sa sarili, tinalo ng batang si David ang higanteng si Goliath. Ang China ay Goliath. Tayo ay David. Maraming paraan upang mahadlangan natin ang pagpasok ng China sa ating teritoryo. Hindi tayo limitado sa armadong pakikipaglaban.
Ang mahalaga’y lumalaban tayo at hindi tayo papayag na mawala kahit isang dangkal ng ating teritoryo. Namayapa na ang ating mga pambansang bayani na nagbuwis ng kanilang buhay alang-alang sa kasarinlan at kalayaan ng Pilipinas. Walang ibang maaaring magtuloy ng kanilang ipinaglaban, maliban sa atin.
- Latest