Lalaki, panalo sa korte matapos idemanda ang mga ‘magician’ sa Siberia
ISANG lalaki sa Siberia ang pinanigan ng korte at nanalo ng daang libong rubles matapos niyang ireklamo ang mga “magician” na nangakong magkakabalikan sila ng kanyang asawa.
Ang lalaki na nagmula sa lungsod ng Omsk at kinilala lamang sa initials na M.E.A., ay iniwan ng kanyang asawa noong Agosto 2017.
Hanggang mapanood ng lalaki ang TV commercial ng kompanyang “Sixth Sense”. Ayon sa commercial, sa pamamagitan ng mahika ay maaaring magkabalikan muli ang mga mag-asawang nagkahiwalay na.
Dahil sa kagustuhang makabalikan ang asawa, agad tinawagan ng lalaki ang numero ng “Sixth Sense” at nagtanong ukol sa serbisyo na inaalok nito. Sabi sa kanya ng sumagot, matutulungan siya ng mga “magician” ng kanilang kompanya para magkabalikan silang mag-asawa.
Pumayag ang lalaki at nagkapirmahan sila ng kontrata. Nagbayad ang lalaki ng 260,332 rubles (katumbas ng P210,000) para sa iba’t ibang klase ng serbisyo, kabilang na ang panghuhula, espiri-tismo at astrolohiya.
Pero sa kabila na malaki ang kanyang ibinayad sa kompanya, hindi sila nagkabalikan ng kanyang asawa kaya nagsampa siya ng reklamo sa korte.
Pinanigan naman ng korte ang lalaki. Napatunayan na hindi tinupad ng kompanya ang mga serbisyong ipinangako sa lalaki na nakasaad sa kontratang kanilang pinirmahan.
Sa huli, pinagbayad ng korte ang kompanya ng 400,000 roubles (katumbas ng P322,000).
- Latest