Bank rob, sampal kay Domagoso?
NAGULANTANG ang mga Manileño sa paglilinis ni Mayor Francisco Domagoso ng vendors sa Divisoria at iba pang parte ng Manila, at ganundin ang nangyari nang pasukin ng mga kawatan ang Metrobank branch sa Binondo noong Huwebes. Sa totoo lang, wala nang bank rob sa Metro Manila nitong nagdaang tatlong taon kaya nagulat ang lahat at ang tanong nina kosang Rambo Labay at iba pa sa Manila Police District Press Corps (MPDPC) ay bakit sa Maynila tumira ang mga loko. Sampal kaya ito kina Domagoso o kay MPD director Brig. Gen. Vicente Danao Jr.? Araguuyyy! Kung sabagay, magaling din kumuha ng tiyempo ang bank robbers dahil tumira sila habang abala si Domagoso at mga tauhan ni Danao sa pagwalis ng vendors sa mga lansangan ng Maynila. Ang teorya kasi sa Camp Crame, medyo tumahimik ang Ozamis at Waray-Waray rob gangs dahil luminya rin sila sa droga. Subalit matapos ang mahigpit na kampanya ni President Digong vs droga mukhang apektado rin sila at bumalik sa dating gawi. Hak hak hak! Kalat naman sa social media na ang P3 milyon robbery ay smear campaign laban sa butihing mayor ng Maynila. Tumpak!
Suportado naman ni NCRPO director Maj. Gen. Guillermo Eleazar ang offer ni Domagoso na P1 milyon reward sa info para madakip ang mga suspects. Humanga si Eleazar dahil nagresponde kaagad sa loob ng dalawang minuto ang mga tauhan ni Lt. Col. Noel Aliño sa banko subalit nakaalis na ang mga suspect. Si Aliño, ng PNPA Class ‘98, ay kauupo lang noong Miyerkules sa puwesto matapos sibakin ni Domagoso si Lt. Col. Eric Mendoza dahil sa kapabayaan sa kampanya laban sa vendors sa sakop niya. Siyempre, dahil pati PCP commanders ay sinibak ni Domagoso, kaya bago rin ang PCP commander na may sakop ng Sto. Cristo sa Binondo. Kahit bago sa puwesto sina Aliño at PCP commander, aba ipinakita nila ang liderato at sumabak kaagad at nagresponde sa bank rob kaya lang medyo nakaalpas na ang mga suspect. May tanong ang mga Manileño kay Domagoso: «Kung ang PCP commander sa Lawton ay sinibak dahil sa tae sa Bonifacio Shrine eh sa bank robbery ba walang masisibak? Araguuuyyyy! Hak hak hak! Ano kaya ang kasagutan ni Domagoso rito kosang Rey Galupo at Pat Santos?
Nag-iisip din ang mga kosa ko kung saan kukunin ni Domagoso ang P1 milyon reward money niya laban sa bank robbers. Kasi nga tinanggihan ni Domagoso ang P5 milyon a day na intelihensiya sa mga vendor o P1.8 bilyon sa isang taon, tapos pinasara niya ang sugal-lupa, maliban sa bookies ng karera kung saan ninong niya ang isang financier at sinasabi ng Commission on Audit (COA) na may budget deficit ang Manila government na aabot sa P4.3 bilyon. Araguuyyy! Sinabi naman ni kosang Jojo Pinga na maaring mag-raise ng reward money sa mga kaalyadong Intsik sa pamamagitan ng man Friday ni Domagoso na si Bernie Ang. Tumpak! Dapat lang sigurong bigyan ni Domagoso ng dagdag pondo ang MPD para hindi lang madakip kaagad ang mga suspect sa bank rob kundi mapag-ibayo pa ang kampanya laban sa kriminalidad at droga. Abangan!
- Latest