Grasya
NAPANOOD ko sa isang programa sa telebisyon ang buhay ng isang babaing milyonarya. Naabot niya ang ganoong katayuan sa edad na 30. Kung iisipin ay nakakainggit ang babae na successful sa kanyang negosyo. Kapag nag-shopping ay P100, 000 lang naman ang kanyang inuubos sa isang syapingan lamang. Aba, kayamanan na iyon sa akin! Ang mga alahas niyang binibili ay tig-50,000 pesos lang naman isang piraso. Nahilo talaga ako sa inggit.
Iyon ay noong hindi pa isinisiwalat ng host ng programa ang istorya ng buhay ng milyonarya. Ang milyonarya ay nabigo sa pag-ibig. Single mom siya at ang kaisa-isang anak ay maysakit pa. Ipinakita ang mga litrato ng milyonarya noong naglibot siya sa buong mundo. Kapansin-pansing sa mga litrato niya sa abroad ay nag-iisa lang siya o may kasama man ay kaibigan lang na babae. Kasi nga ay may sakit ang anak kaya hindi siguro nakakasama sa mga lakad niya sa abroad.
Habang ako’y nanonood ay bigla kong na-appreciate ang anumang buhay na mayroon ako ngayon. Naglaho bigla ang inggit ko roon sa milyonarya. Naibulong ko sa aking sarili. “Mabuti pa ako…may mga anak na malulusog at matatalino. May asawa akong kasalo sa hirap at ginhawa.
Fair talaga ang Diyos. Ipinamamahagi Niya ang grasya sa lahat. Hindi Niya ibinibigay sa isang tao lamang ang lahat ng kagandahan ng buhay. Kung naibigay kay Maria ang yaman, well…ang magandang lovelife naman ay kay Juana ibibigay. Kaya ang tamang attitude ay huwag mainggit sa grasya ng iba. Hindi mo alam, may inilaan ding magandang buhay ang Diyos para sa iyo. Huwag mainip, hintay-hintay lang.
- Latest