Lalaki sa China, ikinulong matapos bigyan ng ‘ilegal’ na pangalan ang mga alagang aso
ISANG lalaki sa China ang ikinulong matapos niyang bigyan ng ilegal na pangalan ang kanyang mga alagang aso.
Ayon sa Beijing News, isang dog breeder sa eastern Anhui Province na kinilala lamang sa pangalang Ban ang inimbitahan ng mga pulis noong nakaraang linggo matapos siyang mag-post sa mobile messenger na WeChat na pinangalanan niyang Chengguan at Xieguan ang kanyang dalawang bagong alagang aso.
Gumawa ng kontrobersiya ang nasabing post dahil ang Chengguan at Xieguan ay tumutukoy pala sa mga mahahalagang posisyon sa gobyerno ng China.
Ang mga Chengguan pala ang bahala sa pagpapatupad ng batas ukol sa mga small-time na krimen samantalang ang mga Xieguan naman amg tumutulong sa pagpapatupad ng batas trapiko.
Bagama’t katuwaan lamang daw ang binigay niyang pangalan sa mga aso ay hindi naman natuwa ang mga pulis sa kanyang lugar.
Matapos imbestigahan ang insidente ay nagdesisyon ang mga kinauukulan na i-detain si Ban ng 10 araw para sa diumano’y insultong ginawa niya sa mga awtoridad.
Dahil sa nangyari, marami sa China ang nagtatanong kung ano pa kaya ang ibang pangalan na bawal ibigay sa mga alagang hayop.
- Latest