Labis na pagtaas ng renta, ipinagbabawal sa ilalim ng Rent Control Act
Dear Atty.,
Umuupa ako ng isang condominium sa Makati. Napag-alaman ko po na ibinenta na sa iba ang unit na inuupahan ko nang sabihan ako ng bagong may-ari na magiging P19,000.00 na raw ang buwanang upa mula sa dating P10,000.00. Kung hindi ko raw kakayanin ang bagong buwanang renta ay kailangan ko na raw umalis.
May karapatan po ba ang bagong may-ari na taasan ang renta nang halos doble at maari po ba niya akong paalisin kung hindi ko kakayanin na bayaran ang bagong buwanang upa? — Ben
Dear Ben,
Dahil P10,000.00 ang kasalukuyang renta mo sa inuupahan mong condominium, saklaw ito ng Republic Act No. 9653 o “Rent Control Act of 2009”. Ayon kasi sa Section 5 ng RA 9653, sakop ng nasabing batas ang lahat ng residential units sa National Capital Region na may buwanang upa mula piso (P1.00) hanggang sampung libong piso (P10,000.00).
Base sa Section 10 ng Rent Control Act, hindi ka maaring paalisin sa inuupahan mo dahil ipinagbabawal sa ilalim ng batas ang pagpapaalis ng tenant dahil lang ibinenta na ito at may bago nang nagmamay-ari.
Hindi rin maari ang labis na pagtaas ng renta para sa mga residential units na saklaw ng Rent Control Act. Ayon sa Section 4, nasa pitong porsiyento (7%) lamang ng kasalukuyang upa ang maaring maging pagtaas ng renta sa loob ng isang taon hangga’t hindi napapalitan ang nangungupahan. Base rito, hanggang P700.00 lamang ang puwedeng itaas ng renta mo sa loob ng isang taon.
Uulitin ko lamang na ang mga probisyon ng Rent Control Act ay para lamang sa mga residential units sa NCR na may buwanang upang hindi tataas sa P10,000.00. Kung sakaling sumunod sa batas ang iyong landlord at gawing P10,700.00 na ang buwanang renta mo ay hindi na magiging sakop ng Rent Control Act ang residential unit mo at sa susunod ay wala ng magiging limitasyon ang pagtaas ng iyong renta.
Nawa’y nasagot ko ng lubos ang iyong katanungan. Paalala lamang na ang payong legal na nakasaad dito ay base lamang sa mga impormasyong iyong inilahad kaya maaring mag-iba ito sakaling may ilang mahahalagang bagay ka na hindi nabanggit.
- Latest