Waiter sa New York, ibinalik ang $424,000 na tseke sa retiradong social worker
ISANG tapat na waiter sa New York ang nagbalik ng cashier’s check na nagkakahalaga ng $424,000 (katumbas ng P22.1 milyon) sa retiradong social worker na nakawala nito.
Natagpuan ni Armando Markaj ang isang bank envelope habang naglilinis ng isa sa mga mesa ng Patsy’s restaurant sa East Harlem, New York.
Dali-dali pang tumakbo si Markaj palabas ng restaurant sa pag-asang kakalabas lang ng customer na nakaiwan nito ngunit wala na siyang inabutan.
Binuksan ni Markaj ang envelope at noon siya nagulat nang makita niya ang laman nito.
Nagpatulong na siya sa may-ari ng restaurant, na minabuting tumawag sa pahayagang Daily News upang manawagan.
Naibalik ang tseke kay Karen Vinacour. Napagbentahan pala niya ng bahay ang halagang nasa tseke at plano niyang ipambayad ito sa bagong apartment.
Nahiya naman si Vinacour dahil hindi niya binigyan ng tip si Markaj matapos niyang kumain. Ngayong si Markaj ang naging susi sa pagkakabalik sa kanya ng kanyang tseke ay nag-alok si Vinacour ng tip sa waiter.
Tinanggihan ito ni Markaj, na tinanggap naman ang paghingi ng paumanhin ni Vinacour para sa hindi niya pagbibigay ng tip nung una.
- Latest