‘Kinaliwa’
ANG mister number one ay iniwan ng kanyang misis dahil sumama ito sa ibang lalaki. Si Mister ay hindi nakatapos ng pag-aaral dahil mahina ang ulo kaya naging pangkaraniwang manggagawa lang siya sa pabrika. Dumaan ang maraming taon, si Misis ay humiling na makipagbalikan kay Mister. Hindi nagdalawang isip si Mister na tanggapin si Misis kahit ito ay nagkaroon na ng anak sa lalaki nito.
Ang mister number two ay iniwan ng misis at nanlalaki rin. Mas masakit ang ginawa ng misis niya. Kinuha nito ang lahat ng savings nila sa banko, bumili ng kotse at saka sumama sa ibang lalaki. Si Mister ay engineer sa Saudi at malaki ang suweldo. Naghiwalay ang mag-asawa. Naiwan ang mga bata sa ina kaya patuloy pa rin ito sa pagpapadala ng sustento.
Pagkalipas ng maraming taon, si Misis ang humiling na sila ay muling magsama. Naku, kulang na lang ay matanggal ang ulo ni Mister sa pag-iling/pagtanggi na magkabalikan sila.
Sabi nito: “Anuu pauuto na naman ako? Mga bata pa kami at malaki ang posibilidad na muli kaming mag-kaanak kapag bumalik ako sa kanya. ‘Wag na ‘toy, dagdag sustento na naman. Hindi na ako makakawala sa pagsusustento sa babaeng ‘yan!”
Mga nakatapos na kasi ang kanyang mga anak at pulos may trabaho na. Gusto ng mister na mag-enjoy na lang sa kanyang pagiging single at muling maghanap ng bagong pag-ibig. Nakakasuka na raw balikan ang “bilasa nang isda”.
Dalawang klase ng mister na kinaliwa. Isang mahirap, walang pinag-aralan, hindi ismarteng mag-isip kaya puso na lang ang pinairal. Iyon na lang kasi ang mayroon siya—pusong mapagpatawad at mapagmahal. Ang ikalawa ay propesyunal, matalino kaya mas pinahalagahan niyang magtira ng respeto at dignidad sa kanyang sarili.
- Latest